(Paalala: ang artikulong ito ay naglalaman ng mga opinyon o kuro-kuro tungkol sa mga kwento at balitang lumabas sa nakalipas na mga buwan. Ang lahat ng mga paksang mababanggit ay mula sa malayang pagsulat at perspektibo ng may-akda).
Drama. Isa ito sa pinakapaboritong tema ng palabas ‘di lamang ng mga Pilipino kundi pati na rin sa buong mundo. Sa mga palabas na ito marahil humugot at nagkaroon ng inspirasyon ang mga manonood dahil ang ilan sa mga kwento ay sumasalamin sa totoong buhay.
Ngunit paano kung ang sobrang pagkahumaling ng mga tao sa drama ay naging daan pa para sa mga pangyayaring ‘di naman kanais-nais at mga di katanggap-tanggap na mga aksyon? ‘Di ba nakakadismaya?
Alam mo bang napakaraming drama na pala ang napanood natin mula nang magsimula ang taon? Oo, pero hindi ito drama sa telebisyon na may bidang minaltrato ng isang mayaman at naghiganti sa dulo, ito ay ang drama na ang mga bida ay mga lider ng bayang ito—mga political drama na nagpaikot-ikot sa damdamin ng mga Pilipino.
Sabi nga, bawal raw sa pulitika ang mga mahihina ang loob, pero bakit may-iyakan at kung ano-anong drama ang ginagawa ng ilan para ipaglaban ang kanilang punto at makuha ang simpatya ng marami? Nakakainis ‘di ba?
Okay, dahil trending din naman ngayon ang katagang ‘drama serye’ ni MMDA Asec. Celine Pialago para sa libing ng anak ng bilanggong si Reina Mae Nasino, halina’t balikan ang mga ‘di malilimutang drama na naganap sa gobyernong ito ngayong 2020.
(Read: MMDA’s Pialago ‘kinda’ apologizes for ‘drama-serye’ remarks after receiving netizens’ rage!)
“Goodbye, ABS-CBN”
Mga tauhan: ABS-CBN executives, congress committee on franchise, at 11,000 na empleyado.
Ngayong taon ang isa sa pinakamadilim na bahagi ng kasaysayan ng ABS-CBN dahil matapos nga ang 13 beses na pagdinig sa kamara at pinagsama-samang boto ng mga kongresista sa ilalim ng komite na nangangasiwa rito ay tuluyan nang nagwakas ang mga maliligayang araw ng kompanya. Hindi naaprubahan ang pinakamimithing renewal ng kanilang kontrata para sa pagpapatuloy ng operasyon.
(Read: Timeline: How and when the ABS-CBN closure threat started)
Labis na ikinagalit ng maraming Pilipino ang kinahinatnan ng istasyong tumulong sa marami. Kasama sa mga labis na naapektuhan nito ay ang 11,000 empleyado sa buong bansa na mas dumoble ang hirap na dinaranas dahil kasabay nito ang pinakamatinding krisis pangkalusugan na kinakaharap ng bansa, ang COVID-19.
Ang dramang ito ay sinubaybayan ng buong bansa at tinawag na pagkitil sa malayang pamamahayag. Ilang buwan ang nakalipas at patuloy pa rin sa pagbibigay ng serbisyo ang ilan sa mga palabas ng ABS-CBN sa digital media at kamakailan nga ay ibinalita ng istasyon na ipapalabas ang ilan sa kanilang mga programa sa A2Z channel 11 matapos makuha ang deal sa ZOE.
(Read: ABS-CBN to air shows on October 10 after ZOE deal)
Sa ngayon wala pang plano kung ano ang susunod na gagawing hakbang ng ABS-CBN patungkol sa kanilang prangkisa.
(Read: #MalayangPamamahayag: These Ironically Cute Emojis are being used to Support ABS-CBN)
“Philhealth Mafia and the Lost 15 Billion funds”
Mga tauhan: Former PhilHealth Pres. Ricardo Morales, former PhilHealth’s anti-fraud legal officer Thorrsson Montes Keith, board members, at ang mga Pilipino at kanilang kontribusyon.
Sa gitna ng napakalalang krisis pangkalusugan ng COVID-19 ay sumabog ang isyu ng korapsyon sa PhilHealth, at ‘di umano’y unti-unting tinangay ang pinaghirapang kontribusyon ng mga manggagawang Pilipino ng mga mapagsamantalang opisyal ng ahensya.
(Read: PhilHealth "Mafia’ and the lost 15 Billion funds: Where did our contributions go?)
Sinasabing nasa tinatayang P15 bilyon daw ang nawala sa koleksyon ng ahensya dahil sa matagal at mahabang nakawan, ang mga alegasyong ito ay nagmula mismo sa dating anti-fraud legal officer na si Thorrsson Montes Keith.
Agad na nagpatawag ng hearing ang senado tungkol sa isyung ito ngunit bago pa man makadalo ay nagkaroon ng kanya-kanyang ‘dahilan’ ang mga sinasabing mafia at sinabing ‘di raw sila makakapunta sa pagdinig kabilang na ang sinibak na pinuno ng ahensya na si Morales.
Ang dramang ito ay ikinagalit ng maraming Pilipino at sinabing malinaw na pagnanakaw raw ang naganap sa ahensya.
Sa ngayon wala nang iba pang balita ang lumalabas sa patuloy na imbestigasyon at interogasyon sa mga dawit na opisyal. Marami pa rin ang umaasang magkakaroon ng hustisya ang labang ito para sa bayan.
“Ang mapaghimalang kamay ni Duque”
Tauhan: DOH Francisco Duque III, COVID-19, at mga Pilipino.
Sa pamumuno ni Duque sa pagsugpo kontra COVID-19, marami ang nagpahayag ng pagkadismaya dahil sa mabagal at ‘di organisadong sistema para mapababa ang bilang ng tinamaan ng virus.
Sa dramang ito na nasaksihan natin sa mahigit pitong buwan, ilang beses isinulong na tanggalin na ang kalihim sa kagawaran at palitan upang mas maging epektibo ang laban kontra COVID-19.
Ang mga senador at kritiko ay naghain ng petisyon upang matanggal si Duque sa posisyon na nagdulot sa kanya ng mabigat na damdamin, ngunit ipinahayag ng pangulo na buong-buo pa rin ang tiwala niya rito, kaya’t walang nagawa ang mga tao kundi magpatuloy ang palabas at abangan ang susunod na hakbang ng pamahalaan.
Nitong mga nagdaang buwan, patuloy na lumobo ang bilang ng kaso sa bansa at makailang beses na binatikos ang mga pahayag ni Duque na nag-flatten na raw ang kurba na nagpapakita ng mga kaso ng virus sa bansa at nasa second wave na raw tayo.
Kamakailan, naging kataka-taka naman para sa lahat ang biglang pagtaas ng bilang ng mga gumaling sa bansa dahil ayon sa bagong batayan maaari na raw ideklarang magaling ang isang tao kapag wala nang sintomas at nakapagtala ng negatibong resulta sa virus sa unang test matapos tamaan ng sakit na taliwas sa unang protocol na dapat dalawang magkasunod na negatibong resulta.
Tinawag itong ‘mass healing’ ng mga kritiko dahil ang naganap daw ay malinaw na pagmimilagro mula sa mapaghimalang kamay ni Sec. Duque na sinasabing napakalakas ng kapit kaya raw hindi matanggal sa puwesto.
“Halik sa Lupa”
Tauhan: Presidente Duterte
Matapos maganap ang malagim na pagsabog sa Jolo, Sulu na ikinasawi ng mga sundalo at sibilyan, personal na nagtungo ang Pangulo rito upang makiramay sa mga biktima.
Humalik ang Pangulo sa lupa matapos ialay ang mga bulaklak para raw sa mga biktimang hindi nagkaroon ng pagkakataon na magdasal bago mamatay sa trahedya.
Matapos kumalat ang larawang ito, umani ito ng samu’t saring reaksyon sa social media at sinabing tila nagging masyadong makabagbag damdamin ang tagpo, at anila sana raw ay ginawa rin ito para sa lahat ng mga namatay sa ilalim ng administrasyong ito.
“Sino ang tunay na Speaker?”
Tauhan: Alan Cayetano, Lord Allan Velasco, at mga kongresista ng Pilipinas.
Sino ba namang makakalimot sa kakatapos lamang na drama seryeng ito sa kamara na ang kwento ay tungkol sa agawan ng trono para sa kapangyarihan sa kongreso.
(Read: Speaker Alan or Allan? Netizens feel “meh” about the resignation drama!)
Ito ang madrama at paiko-ikot na tagpo sa laban ni Alan Cayetano na nangakong magbibigay daan kay Lord Allan Velasco na pumayag sa paghahati ng liderato sa kamara, ngunit nauwi sa patutsadahan at mga gimik na ikina-init ng ulo ng sambayanang Pilipino.
Matatandaang sa dramang ito, nagresign si Cayetano sa harap ng mga kasamahan ngunit hindi naaprubahan kaya’t wala siyang magawa kung hindi manatili sa puwesto.
Sa pagkakataong ito, humingi na ng tulong si Velasco kay Pangulong Digong at anak nito na si Inday Sara para matapos na ang laban ngunit sa kadahilanang naaantala na ang budget, sinabi ni Sen. Bong Go na kapag ‘di pa raw naayos ito, ang Pangulo na raw ang aaksyon.
Sa pagpapatuloy ng kwento, nag-iba ang ihip ng hangin at ang mga kapanalig ni Cayetano ay pumabor para kay Velasco sa naging botohan at siya ay inihalal bilang bagong ispiker ng bansa.
Oo nga’t marami ang naantig sa mga drama pero kung ito naman ay gagamitin sa ‘di kanais-nais na hakbang, mas mabuti pang iwaksi na lang ang ating pagkahilig sa panonood nito at ituon ang buhay sa realidad.
Ikaw ba, anong ‘di mo malilimutang drama sa pulitika ngayong taon?
Mahaba haba pa ba ang hihintayin natin para sa pagtatapos ng mga matrahedyang kabanata ng bansa? Abangan!