Isang linggo mula ngayon ay magaganap na ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Duterte. Muli, maririnig natin ang kanyang ulat sa bayan—sa gitna ng mapanghamong krisis sa kalusugan.
Ito ang taon-taong responsibilidad ng punong tagapagpaganap sa bayan. Isang obligasyon upang ihayag ang mga plano ng pamahalaan tungkol sa iba’t-ibang isyu o suliranin na kinakaharap ng bansa.
Ang araw na ito rin ang magiging basehan ng taumbayan para sa lahat ng mga programang nagawa—isang pagbabalik-tanaw kung paano hinarap, nilabanan, at napagtagumpayan ang mga hakbang ng pamahalaan sa nakalipas na mga taon.
Hindi ba’t eksakto ang araw na ito para mapag-usapan ang mga napapanahon at pangunahing krisis na kinahaharap ng bansa? Ako, marami akong gustong paksa na mapabilang ngayong taon.
Himay-himayin natin ang ilan sa mga paksang dapat pagtuunan ng pansin ngayong taon:
COVID-19 PANDEMIC SA BANSA
Ayon sa datos ng Department of Health, umabot na sa mahigit 68,000 ang kumpirmadong kaso ng mga nagpositibo sa COVID-19. Nakababahala ang ang lalong paglobo ng bilang ng mga kaso sa buong bansa na maaaring magpatuloy ang pagtaas sa mga darating na linggo.
Sa press briefing na isinagawa ngayong araw, July 21, sa palasyo, napag-usapan ang tungkol sa pagsasagawa ng mass testing na kung saan matagal nang pinipilit ng marami na maisagawa para sa mga Pilipino, ngunit sa pahayag ng tagapagsalita na si Roque, ito raw ay malabong mangyari.
Ang nais lamang gawing hakbang ng pamahalaan ay magkaroon ng tinatawag na pooled COVID-19 Testing na kung saan, may isa o ilan lamang na susuriin sa mga grupo o pamilya, at kapag nag-negatibo ang resulta ay hindi na kailangan pang i-test ang iba.
Ilang pambabatikos na rin ang pilit na ibinabato sa DOH sa ilalim ng liderato ni Francisco Duque dahil sa mabagal at hindi garantisadong mga hakbang sa pakikipaglaban sa pandemya.
Ang aking punto, ito ang problemang dumudurog sa atin ngayon kaya’t dapat na pagtuunan ito ng pansin. Hindi madali kalabanin ang kaaway na hindi nakikita, ngunit hindi rin magiging madali kung hindi sapat ang mga hakbang na gagawin ng bayan.
ANTI-TERRORISM LAW OF 2020
Naging mainit ang naging balitaktakan at nagbunsod ng hindi pagkakaunawaan ang pagsasabatas ng Anti-Terrorism Law sa bansa.
Walang katapusang rally at panawagan ang naganap sa ika nilaý hindi makaturungang batas para sa mamamayan ng bansa. Ilang mga grupo ng mga abogado at dalubhasa sa batas ang nagsama-sama para pigilan ito.
Pinal na at umiiral na ngayon ang kontrobersyal na batas sa bansa. Marami ang nababahala dahil hindi raw sumasang-ayon sa pangkabuang kaligtasan ng mamamayan ang ilang probisyon nito.
Bakit dapat itong pag-usapan? Natural lamang na dapat itong isama sa mga ire-rebyu ng pamahalaan dahil malaki ang naging epekto nito sa kamalayan ng madla lalo pa’t marami ang tumuligsa at patuloy na tumututol dito.
Read: EDITORYAL: Anti-Terrorism Bill naisabatas na! Ano-ano ang maaaring mangyari sa bayan ni Juan?
PAGBUBUKAS NG KLASE SA AGOSTO
Matatandaang isa ang bansang South Korea sa matagumpay na nakapagpababa ng unang bugso ng kaso ng COVID-19 sa mundo, kaya naman nagbukas agad sila ng klase ngunit nagdulot ito ng panibagong mga kaso kaya agaran ding sinuspende at isinara ang mga eskwelahan.
Ito ang pinangangambahang mangyari sa Pilipinas ngunit hindi naman kailangan na pumasok muli nang pisikal dahil mas piniling gawing online na lamang ito. Sa hakbang na ito ng DEPED, tila mas naging balakid pa ito sa pagkatuto ng mga bata—suliranin sa mga mahihirap at liblib na lugar ang kawalan ng koneksyon sa internet at mga gadgets na gagamitin sa pag-aaral.
Buo ang loob ni Sec. Briones na ituloy ang pagbubukas ng klase sa bansa sa darating na Agosto. Sa naging pagpupulong kagabi kasama ang pangulo at IATF, sinabi ni Briones na 90% ng mga mag-aaral sa pampublikong paaralan ang babalik ngayong Agosto at 27% lamang ang makakabalik sa mga pribadong paaralan.
Kaugnay nito, ibinahagi rin ng kalihim na dalawang libo lamang ang bilang ng mga batang tinamaan ng COVID-19 sa bansa kaya’t umaasa siyang magiging positibo ang kanilang desisyon na inaprubahan naman ng pangulo.
Tuloy man o tigil ang pagbubukas ng klase, dapat lamang na abangan natin ang tugon ng mas nakararami sa darating na SONA upang mas malaman natin ang iba pang kuro-kuro sa paksang ito.
Read: Online Classes: Epektibo nga ba para Matuloy ang Pasukan?
PANG-AABUSO NG KAPULISAN AT MILITAR
Sa nakalipas na mga buwan, maraming balita ang naglabasan tungkol sa diumano’y pang-aabuso ng kapangyarihan na kinasangkutan ng mga pulis at militar.
Isa na nga rito ang ‘di makatarungang pagpataw ng bataw sa buhay ng isang retiradong sundalo na si Winston Ragos na nagkaroon ng trauma matapos makipaglaban sa Marawi noong 2017, ay walang-awang binaril ng isang kabaro matapos diumanong manlaban.
Ang nakagigimbal na pananambang sa anim na miyembro ng militar sa Jolo, Sulu ay tila malaking dagok sa pwersa ng militar. Ang nasabing engkwentro ay kagagawan ng miyembro ng pulisya na kung saan tinawag na misencounter at napagkamalan ang mga militar na kaaway kaya naman pinagbabaril ang mga ito.
Kabilang din sa mga sinasabing pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga pulis at militar ay ang walang habas na pang-aaresto sa mga indibidwal ng walang dalang warrant of arrest o matibay na dahilan kung bakit kailangan silang damputin. Nangyari ang halimbawa nito noong Hunyo matapos na arestuhin ang ilang grupo ng LGBTQIA+ community na nagsasagawa ng rally na kung saan ilan sa kanilang miyembro ay dinampot at pinaghuhuli.
Sa bansang tila mas tumatalim ang ngipin ng mga sinasabing alagad ng batas, marami ang umaasang matatalakay ito sa SONA at mabigyan ng tamang aksyon upang mabura ang katiwalian sa kanilang mga hanay.
Read: Dahas o Lunas: Ano nga ba ang Tunay na Virus na Kinakaharap sa Bayan ni Juan?
KAKULANGAN NG MAAYOS NA TRANSPORTASYON SA GITNA NG PANDEMYA
Apat na buwan matapos isailalaim sa lockdown ang buong Metro Manila, isa sa pinakamahirap at patuloy pa ring nararanasan ng marami nating kababayan ay ang kakulangan ng pampublikong sasakyan.
Matapos isailalim sa GCQ ang Metro Manila ay nagbukas na rin ang trabaho para sa marami nating kababayan ngunit tila mas lalong dumoble pa ang problemang nakaatang sa kanilang mga balikat. Ang kawalan ng maayos na sasakyan papasok at pauwi.
Binuksan ang ilang pangunahing transportasyon tulad ng MRT at LRT, at nagbukas ng operasyon ang ilang kumpanya ng Bus ngunit tila hindi naging sapat ito upang tugunan ang problemang ito ng bayan.
Sana ay mapagtuunan ito ng pansin sa darating na SONA dahil hindi na biro ang hirap at sakripisyong kinakaharap ng ating mga kababayan.
Read: Not a scene from an apocalypse movie, it is the first week of GCQ in Metro Manila
PAGBIBIGAY NG MATAAS NA BENEPISYO AT PAGKILALA SA MGA FRONTLINERS
Maraming mga doktor at iba pang medical staff ang patuloy na isinusugal ang kanilang mga buhay para sa bayan, ngunit marami rin ang bilang ng mga nasawi na nagbigay ng serbisyo upang tuparin ang ipanangakong gampanin para sa bansa.
Read: #COVID19PH: Filipino Frontliners who have died fighting the pandemic outbreak
Marami ang nagpaabot ng pagkilala sa pamamagitan ng mga makukulay na sining, mga tula at kung anu-ano pa ngunit hindi ito ang kailangan ng ating magigiting na frontliners kundi sapat at mataas na benepisyo dahil buhay ang kanilang isinasangkalan sa bingit ng kapamahakan.
Hindi sapat ang palakpak o anumang mga nakaka-antig na pagkilala bagkus mas mapapantayan ang kanilang sakripisyo kung ibibigay ang nararapat na benepisyo para sa kanilang lahat.
Read: A Tribute to Fellow Frontliners: A Nurse Created An Artwork Using Syringes and Needles in Negros Occidental
Matatandaang nadismaya ang ilang mga samahan at kawani ng kalusugan sa bansa matapos maglabas ng anunsyo ang DOH na nangangailangan pa ng mas maraming pwersa para harapin ang COVID-19, nagpakalat ang kagawaran ng mga anunsyo ngunit mas napansin ng mga tao ang magiging kabayaran ng kanilang araw-araw na serbisyo sa halagang 500 piso. Nakakalungkot at nadismaya para sa kanilang katayuan.
Sa dami ng problema ng bansa ngayon, sana ay makita ng gobyernong ito ang mas dapat unahin at piliing pagtuunan ng pansin.
Hindi matatapos ang pagharap sa karagatan ng problema, ngunit kung matuto lamang tayong sumunod sa alon ay tiyak na unti-unti’y makakaalpas din ang bayan.
Ikaw ba, ano ang gusto mong mapag-usapan sa ikalimang SONA ng pangulo?
Sama-sama nating abangan!