Isang karapatan at karapat-dapat lamang na mabayaran ng tama ang ating mga Frontliners sa Pilipinas. Isang maituturing na ka-bayanihan ang isaalang-alang ang buhay para makapag-lingkod sa sariling bayan. Pero, hindi doon natatapos iyon. Mayroon din silang mga bibig na dapat pakainin, mayroon din silang pang-araw-araw na tustusin. May mga kanya-kanyang responsibilidad din sila na kailangang gastusan.
Noong Abril 10, maaalala na ipinag-utos ng pamahalaan na ipagbawal na lumabas ng bansa ang mga pinoy health workers at magtrabaho abroad sa gitna ng krisis na kinakaharap ng bansa dulot ng COVID-19. Kabilang dito ang medical doctors, nurses, microbiologists, molecular biologists, medical technologists, clinical analysts, respiratory therapists, pharmacists, laboratory technicians, X-ray or radiologic technicians, nursing assistants or aide, operators of medical equipment, supervisor of health services and personal care, at repairmen of medical equipment.
Ayon sa The Department of Health, ngayong ika-14 ng Mayo, 2,165 na ang medical health workers na naitalang infected ng COVID-19 sa bansa.
Samakatuwid, hindi maikakaila na ang ating mga mahal na Frontliners ay lubusang nagdurusa makapagbigay lamang ng maayos na serbisyo sa mga kapwa Filipino.
“We are not heroes. Just like everyone else, we have mouths to feed and bills to pay. ‘Di namin makakain ‘yang palakpak, harana, artwork at celebrity shout outs na ‘yan. Just treat us right and pay us better. Nakakapagod na.” Sabi ni Luigi, isang nurse.
“Sa totoo lang, masaya ako sa work ko at higit sa lahat masaya ako sa Pilipinas. Pero everytime na pinapa-mukha sa amin kung gaano kami ‘di binibigyang halaga sa bansang ‘to, nakaka-ubos din pala. Minsan hindi sapat na masaya ka lang.” Dagdag pa niya.
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), ang isang entry-level registered nurse ay maaaring sumweldo ng mula P8,000 hanggang P13,500 kada buwan.
Ang mga rehistradong nurse na na-hire ng mga mismong ospital ay kadalasang nakakatanggap ng suweldo mula P9,797. Sa mga pampublikong ospital naman, ang karaniwang pinapa-suweldo kada buwan ay P13,500 samantalang sa pampribadong sector ay karaniwang P10,000 kada buwan.
Nito lamang taong 2020, pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Salary Standardization Law na naglalayong dagdagan ang take-home pay ng mga government employees, kabilang dito ang nurses. Subalit ang dagdag ay umaabot lamang ng P1,500, maliit na halaga para sa isang taong bumubuhay ng pamilya.
Sa isang bansang nasasadlak sa pagdarahop at paghihirap sa gitna ng krisis, malaking tulong at pasasalamat natin sa mga Frontliners na maituturing ngang isang bayani. Subalit sa panahon natin ngayon, nawa’y maging bayani sila na may sapat na pagpapahalaga mula sa sariling bansa.