Isa ka ba sa sa mga nagulat, natuwa, natakot, o nagalit nang marinig mo sa balita na pinirmihan ng Pangulong Duterte ang Anti-Terrorism Bill noong Biyernes? O isa ka rin bang tulad ko na natigilan sa isang tabi at naisip ang mga bagay na mangyayari sa Pilipinas habang nangingitngit ang kalooban?
Sa totoo lang, wala ng eksaktong salita o bagay ang maglalarawan sa mala-komedyang nangyayari sa bayan dahil sa gitna ng isang malaking laban ng pandemya ay may nagaganap na mas malalang suliranin.
Bakit nga ba marami ang tutol sa Anti-Terrorism Law? Isa ka ba sa mga lumaban o sumuporta para maipatupad ito? Nabasa mo ba ang kabuuang balangkas? Matapos nga ilabas ang desisyon, ilang mga abogado ang naghain ng petisyon sa Korte Suprema para mapawalang-bisa ang bagong batas na pilit binago ang kasalukuyang Human Security Act of 2007 na nangangalaga sa estado at mga tao.
Anu-ano nga ba ang mga nakapaloob sa bagong batas na ikina-alarma ng mga tao na maaring magbunsod ng iba’t-ibang kaguluhan sa bayan ni Juan? Himayin natin:
DEPINISYON NG TERORISMO
Tinawag ng mga abogado na ‘malabo’ ang naging depinisyon ng salitang terorismo na nakapaloob sa batas na ito. Mas pinalawak sa batas na ito ang bersyong ginawa ng mga mambatas. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:
- Intimidating the general public
- Creating an atmosphere or spreading message of fear
- Provoking or influencing by intimidation the government or any of its International organizations
- Seriously destabilizing or destroying the fundamental political, economic, or social structures of the country
- Creating a public emergency
- Seriously undermining public safety
Sa madaling salita ang bahaging ito ay patungkol sa estado at publiko. Dahil sa panibagong mga inilabas na depinisyon ng terorismo, maaaring mawalan ng saysay ang malayang pagpapahayag para sa bayan.
Magiging maingay at marubdob ang damdaming makabayan ng mga Pilipino sa bayan ni Juan para sa pagtamo ng pantay at patas na bayan.
WARRANTLESS ARRESTS AT LONGER DETENTION WITHOUT CHARGES
Kapag nahuli kang lumabag sa mga alituntuning nakapaloob sa Anti-Terrorism Law ay maari kang hulihin at makulong ng 24 na araw na kahit walang eksaktong kasong isinampa.
Sinasabing maaari ka pa ring hulihin ng may warrant na awtorisado ng Anti-Terrorism Council o ATC na binubuo ng mga miyembro ng gabinete at ilang opisyal.
Ito ay mariing kinondena ng mga abogado at sinabing mas malala pa raw ito sa bilang ng mga araw na itinalaga noong panahon ng Martial Law.
Ito ang pinakakinatatakutang senaryo sa bayan ni Juan, ang bahaging ito ng batas dahil sinasabing magwawasak sa katahimikan at karapatang pantao na kahit walang sala ay maaaring mapagbintangan.
MAGAANG PARUSA PARA SA MGA OPISYAL AT AWTORIDAD
Sa Anti-Terrorism Law, mas papagaanin ang parusa mga magkakasalang opisyales at awtoridad. Ang dating 10 hanggang 12 taon sa bilangguan ay magiging eksaktong sampu na lamang.
Babawasan din ang taon sa mga magkakasala sa pagbibigay ng maling testimonya, pagpeke ng mga dokumento o mga ebidensya sa imbestigasyon at mga pagdinig. Ang dating 12 hanggang 20 na taon ay magiging anim na taon na lamang.
Sa madaling sabi, ang senaryong ito ay maaaringd sa pang-aabuso ng kapangyarihan sa bayan ni Juan dahil mas magiging mababa at magaan ang parusang ipapataw sa mga alagad ng batas na magkakasala kung sakali.
Sinabi nga ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) na “imprecise and poorly worded” daw ang mga salita at terminong ginamit sa ilang mga probisyon ng batas at mas lalong makapagbibigay at makadagdag ng udyok sa pwersa ng pulisya at militar na gumawa ng mga mali at ‘di makatarungang bagay dahil sa pagpapagaan ng parusa na maaari nilang kahinatnan.
TRAVEL BAN AND WIRETAPPING
Sa mga mahuhuli na lumabag sa batas, magiging limitado na lamang ang mga dalaw—abogado, miyembro ng pamilya o kamag-anak, at doktor ayon sa Anti-Terrorism Law.
Nakapaloob din sa batas ang pagpayag na magsagawa ng pagbabantay o pagmamanman at wiretapping o sa madaling salita ang pakikinig nang patago sa mga pinaghihinalaang nangunguna sa pagsiklab ng terorismo.
Ang mga pinaghihinalaang pasimuno ng terorismo ay pagbabawalan na ring makabiyahe at makalabas ng bansa sa bisa ng kautusan ng konseho.
Magiging malaking hamon ang hakbang na ito sa seguridad at pribadong karapatan ng mga mamamayan, t’yak mag-iinit ang mga tenga ng sambayanan sa bayan ni Juan!
Wala pa ang kabuuang kopya para sa pinal na publikasyon sa official Gazette, ang aking mga nabanggit na probisyon o bahagi na nakapaloob sa kabuuan ng batas ay inilathala kasabay ng mga petisyon sa pagpapabasura sa batas..
Marami pa rin ang lumalaban sa ika nila’y pagkitil ng kalayaan at karapatan sa bansang ito.
Ano nga ba ang mangyayari sa bayan ni Juan ngayong ganap nang batas ang kontrobersyal na Anti-Terrorism Bill? Sigurado, malaking gulo!
Hindi ko alam kung nasaan ang terorismo sa gitna ng pandemya. Ikaw, nakita mo ba?