Nitong nagdaang Linggo, naging kapana-panabik ang pagsubaybay ng buong mundo sa pampanguluhang halalan ng Estados Unidos, ang pinakamakapangyarihang bansa sa buong mundo.
Read: Trump or Biden: Who will be America’s choice?
Si Joe Biden nga ang lumamang sa botohan kasama ang kanyang bise presidente na si Kamala Harris na bumasag sa “glass ceiling” at gumawa ng kasaysayan bilang kauna-unahang babae sa naturang posisyon. Ipinagbunyi ‘di lamang ng mga Amerikano kundi sa iba’t-ibang panig ng mundo ang sinasabi nilang pagbabalik ng kinang at dangal ng USA.
Isa na nga ang mga Pilipino na talaga namang inabangan ang makasaysayang tagpo hanggang sa i-anunsyo ang nagwagi. Ayon sa mga dalubhasa, malaki raw ang magiging epekto ng resulta ng halalan para sa mga Pilipino.
Photo courtesy of Reuters/Presidential photo via ABS-CBN News
Ano-ano nga ba ang mga epektong ito?
HUMAN RIGHTS
Noong 2016, matatandaang nabaling ang atensyon ng mundo sa Pilipinas sa ‘di makataong ‘War on Drugs’ sa pangunguna ng Pangulong Duterte. Kinondena ito ng mga human rights advocates at mga lider kabilang na si noo’y US President Barack Obama na kung saan pinasaringan ang tila walang habas na pagpatay ala vigilante style.
Nanindigan si Obama na lumalabag ang hakbang na ginawa ni Duterte sa Universal values sa karapatang pantao na ikinagalit ni Duterte at nagbantang makikipagkalas raw sa alyansa mula sa US.
Sa pagkapanalo ni Trump noong 2017, lubos niyang pinuri ang ‘War on Drugs’ ni Pangulong Duterte at tila nagkaroon ang dalawa ng pagkakaintindihan na may parehong panukala at pananaw patungkol sa isyu ng seguridad at kriminalidad.
Ngayong 2020 US elections, isa sa nakikitang epekto raw nito sa bansa ay ang pakikipaglaban pa rin sa karapatang pantao na ipinangako ni Joe Biden sa kanyang Liberal Democracy na pananaw na kung saan mas kikilingan ang pagtataguyod ng mamamayan ng estado.
Sa paksang ito, malaki ang posibilidad na magbanggaan muli ang Malakanyang at White House sa usaping ito…ito ang dapat nating abangan.
IMMIGRATION POLICIES
Dahil sa “America’s First” na polisiya ng Trump administration, ipinatigil niya ang pagbibigay ng ‘Green Card’ sa mga immigrants bagay na lubhang nakaapekto sa maraming mga Pilipino na gustong maging legal ang paninirahan sa naturang bansa.
Kaugnay nito, gusto rin ipatigil ni Trump ang “Chain Migration” na kung saan mas hihigpitan ang visa screening sa pagkuha ng mga kapamilya ng isang US citizen gaya ng magulang, asawa, at mga kapatid bilang pagpapairal pa rin sa kanyang mahigpit na polisiya.
Sa Biden administration naman, ipinangakong mas papalawakin pa ang pagbibigay ng legal immigration grant para sa mga nais maging legal ang paninirahan sa bansa. Paluluwagin din ang “Zero tolerance policy” para sa mga illegal immigrants.
Ang usaping ito ay mainit na pinag-uusapan ng mga Filipino communities sa Amerika na bagay na lubhang napakalaking epekto sa mga Pilipino.
WEST PHILIPPINE SEA DISPUTE
Sa isyu ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea, Malaki ang naging gampanin ng bansang Amerika sa Pilipinas na kung saan kinilala nila ang pagkapanalo ng bansa sa Arbitral tribunal. Ito ay mas nagpapatag sa estado ng Pilipinas sa isyu na kung saan lumalabas na pinapanigan ng US ang ating bansa kung sakaling mas lumala ang sigalot dito.
Sinabi ni Trump na ‘unlawful’ raw ang ginawang reclamation ng China sa bahaging ito ng Pilipinas, bagay na mas pinaburan ng mga Pilipino.
Sa usaping ito, parehas sina Trump at Biden na naniniwalang dapat igalang ang resulta ng pagdinig sa isyu ng pinag-aagawang mga isla.
Sa mga pagsang-ayon ito ng Amerika, makikitang malaki pa rin talaga ang impluwensya nito tungkol sa mga pandaigdigang isyu.
Sa madaling salita, aminin man natin o hindi, hindi na raw talaga mawawala ang malalim na relasyon at impluwensya ng kanluraning bansa sa atin magmula pa noong tayo’y kanilang sakupin.
Makikita sa makabagong mundo na malawak pa rin ang taglay na kapangyarihan ng Estados Unidos, kaya’t marami pa rin ang interesado ‘di lamang sa eleksyon kundi sa marami pang mga kaganapan sa kanilang bansa.
Ang koneksyon at pagkakaibigan ng Pilipinas at Amerika ay tunay na malalim at nasubok na ng maraming pagkakataon.
Ikaw, ano ba sa tingin mo ang epekto ng eleksiyon ng bansang Amerika sa Pilipinas?