Paparating na naman ang Mayo, ang buwan kung saan nasusubok ang kakayahan nating mga Pilipino na magkaroon ng pakialam at makialam. May kanya-kanyang diskurso kung sino at bakit kursunada ang isang kandidato.
“Sikat kasi!”
“Ang gwapo.”
“Mayaman ‘yan, ‘di ‘yan corrupt.”
“Doon tayo sa malinis.”
Iba’t iba man ang paniniwala at prinsipyong pinaglalaban ngunit iisa lang ang gusto nating makamit – malinis at tapat na pamamahala. Labas sa usapin ng biro at pansamantalang katatawanan na hatid sa atin ng mga kandidatong may kanya-kanyang baon at pakulo. Hindi ito paligsahan ng pagsayaw o pagkanta. Hindi biro ang eleksyon o ang pagpili ng susunod na lider ng bansa.
Ang boto ay hindi lamang isang marka sa papel. Ang bawat boto ng isang mamamayan ay may katumbas na paghahangad sa pagbabagong gusto nating mangyari at matupad. Nagsisilbi itong boses na bitbit ang bawat hinaing na tiniis at tinitiis natin. Bilang botante, nasa kamay natin ang pagkakataon na makinig at mapakinggan.
Kaya’t para kanino ka bumoboto? Sino ang sa tingin mong may kakayahang makinig sa ‘yo?
Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
Nangunguna sa mga survey polls ang anak ng yumaong diktador, si Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., 64. Dating gobernador, kongresista at senador na kasalukuyang hinaharap sa kasong hindi pagbabayad ng buwis ng ari-arian ng pamilya sa halagang 203 billion. Sangkot siya sa pork barrel scam, isa sa pinakamalaking kaso ng korapsyon sa bansa. Siya din ang tagapangasiwa ng kayamanan ng pamilyang Marcos na napatunayang ninakaw mula sa kaban ng mga Pilipino.
Alok ni Marcos at ng kanyang grupong Uniteam - isang pamumunong nagkakaisa, dahil para sa kanya, "sama-sama tayong babangon muli."
Leni Robredo
Isang gobyernong tapat naman ang pangako ng kaisa-isang babaeng tumatakbo bilang pagka-presidente, si Leni Robredo, 56. Isang ekonomista, abogado, dating congresswoman at kasalukuyang bise-presidente ng bansa. Sa loob ng tatlong taon, ang kanyang opisina ang may pinakamataas na Audit Rating ng Commission on Audit (COA). Sa panahon ng pangangailangan, pandemya man o bagyo, isa siya sa nangungunang nag-aabot ng tulong sa mga Pilipino sa kabila ng limitadong badyet.
Iginigiit ni Robredo ang transparency ng pampublikong sektor at pangako ng mamumuno sa isang gobyernong nagmamalasakit sa mga tao at palakasin ang sistemang medikal.
Isko Moreno Domagoso
Tanyag sa kanyang "laki sa hirap" na istorya at malaking pagbabago na ginawa sa Maynila, si Isko Moreno o mas sikat sa tawag na "Yorme Isko", 47. Isang artista, dating councilor at bise-alkalde ng Maynila at kasalukuyang alkalde ng lungsod. Solusyon sa pabahay, kalusugan paggawa at imprastraktura ang kanyang plataporma.
Katulad ni Presidente Duterte, nangangako ang alkalde na lulutasin niya ang pangunahing problema ng bansa sa loob ng anim na buwan. Ika nga, ang "Tunay na Solusyon, Mabilis Umaksyon"
Manny Pacquiao
Kampeon sa larangan ng boxing, ngunit kampeon rin ba sa puso ng mga Pilipino sa pagka-presidente? Si Manny Pacquiao, 43, isang boxing icon, dating congressman at ngayo’y Senador. Nangangako siya na pagbutihin ang sistema ng pangkalusugan, puksain ang korapsyon, muling iangat ang ekonomiya ng bansa at magbigay ng pabahay para sa mga mahihirap. Para sa kanya, “Panalo ang Mahirap, Panalo ang Pilipino”
Panfilo “Ping” Lacson
Pangako niya ang ayusin ang gobyerno at ang buhay ng mga Pilipino, si Ping Lacson, 73, ay isang Senador at dating hepe ng pambansang pulisya. Tumakbo na noong 2004 sa pagka-presidente ngunit nabigo, at ngayo’y muling tumatakbo. Nasangkot siya sa ilang kaso noong nakaraan ngunit nadespatsado din ng Korte Suprema. Nangangako si Lacson na aalisin sa gobyerno ang mga tiwaling opisyal, mamumuhunan sa pangangalaga ng pangkalusugan at suportahan ang maliliit na negosyo.
Hindi na bago na may kanya-kanya tayong panig na sinusuportahan. Kulong sa paniniwalang ang kandidatong nasa panig ang tama at nararapat. Hindi maiiwasan ang pikunan at pagtugon sa social media. Ngunit ang eleksyon ay hindi laban ng mamamayan sa isa’t isa ngunit ito ay ang laban natin para sa isa’t isa.
Kaya’t sa darating na halalan sa Mayo, pagmunihin nating maigi ang mga kandidatong iboboto natin. Suriin ang bawat impormasyon na nauugnay sa bawat isa at magbase sa katotohanan. Bumoto tayo hindi lamang para sa ating mga sarili kundi para din sa ating pamilya, kaibigan, at higit sa lahat para sa Pilipinas.
Ikaw? Para kanino ka bumoboto?