Default

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit. Quae nam consequatur reiciendis omnis esse, nesciunt!

Close Me

I AM A POPUP CUSTOM02

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit. Quae nam consequatur reiciendis omnis esse, nesciunt!

Close Me
May say ba si Juan: Ano nga ba ang naitutulong ng pagrereklamo ng Pinoy sa mga issue ng bayan?
By Mamaro 30 Jun 2020 1002

“Ano bang ambag mo sa bayan at ang dami mong satsat?”

“Ikaw na lang kaya mag-presidente, puro ka REKLAMO!”

Ilan lamang ito sa mga katagang maririnig natin ngayong marami ang isyung naglipana sa lipunan. Mga taong walang matibay na katuwiran sa mga bagay at usaping ‘di maabot ng kanilang pang-unawa, kaya naman wala silang ibang alam gawin kundi nasagin, barahin, at pilit sirain ang opinyong sumasalamin sa katotohanan—nakakapikon ‘di ba? Sa totoo lang ang sarap nilang patulan, pero sayang lang ang oras, enerhiya, at talino.

Palaging may “say” o talak si Juan sa lahat ng bagay. Aba, siyempre isipin mo na lang masasagasaan ka na wala ka pa ring imik o gagawin. Natural sa atin na magbigay ng reaksyon sa lahat, ito na yata ang isang ugat na kailanma’y di mawawala sa kulturang Pinoy. Palagi tayong may sagot sa lahat ng bagay, may katuwiran sa mga sinasabi sa atin, at may reklamo ‘pag di na natin nagugustuhan ang mga nangyayari.

REKLAMADOR kasi si Juan. Totoo naman kasi ‘di ba? Nagrereklamo tayo sa mga kaliit-liitang mga bagay sa paligid na minsa’y pinag-uugatan ng ‘di magandang pangyayari na nuuwi sa sakitan at mas malala, patayan. Pero alam mo ba na maraming pagkakataong sa bansa na naging maganda ang resulta ng pagrereklamo ng mga Pilipino—naging matagumpay ang ilan sa pakikipaglaban para sa katotohanan at karapatan sa bayan, oo dahil nagreklamo ang mga Pilipino.

Narito ang ilan sa mga pangyayaring ito:

 

MILLION MARCH IN LUNETA (PDAF SCAM PROTEST)

Sino ba namang makakalimot sa pangyayaring ito na gumimbal sa bayan. Ang pagsiwalat ng pinakamalalang pagnanakaw na naitala sa kasaysayan. Sigurado akong napa-“self-incriminate” ka rin noong mga panahong ito dahil sa paikot-ikot na kuwento na si LORD lang ang nakaka-alam.

 

Taong 2014, sa araw ng mga bayani, nagtipon-tipon ang mga tao para ikondena ang naganap sa bansa. Nakulong ang mga akusadong senador at sinentensyahan ang sinasabing Pork Barrel Scam mastermind na si Janet Lim Napoles dahil nagsalita ang taumbayan.

 

#SaveMaryJane Campaign

Narinig mo rin ba ang kuwento ng kababayan nating si Mary Jane Veloso na hinatulan ng bitay sa Indonesia Taong 2010 nang makitaan ng droga sa loob ng kanyang bagahe. Nahuli ang pinay OFW na sinasabing namasukan bilang kasambahay.

 

 

Binago ng pangyayaring ito ang kasaysayan, ang buhay ni Mary Jane ay naisalba sa firing squad ng Indonesia nang gumawa ng online petition para sa kanya at nakalahok ang 127 na bansa. Sinasabing isa ito sa nakapagkamit ng pinakamaraming tala para sa isang isyu o laban sa mundo.

 

Nagreklamo hindi lamang ang mga Pilipino kundi ang buong mundo para sa labang ito. Sa ngayon nanatili si Veloso sa Indonesia upang harapin ang kanyang kaso.

 

Gibain ang “Torre de Manila”

Naging kontrobersyal ang issue na ito noong taong 2015 na kung saan ang binansagang Pambansang Photobomber ng Pilipinas, ang Torre De Manila na ginagawa pa lang noon, ay nais ipatigil at ipagiba dahil sa nakakasirang view sa likod ng tanyag na bantayog ni Dr. Jose Rizal sa Luneta.

 

 

Nangalap ang mga tao ng online signatures para hindi matuloy ang konstruksiyon nito. Maraming mga grupo ang nagsama-sama ar nakipaglaban sa usaping ito.Nagkaroon ng anim na beses na pagdinig sa isyung ito ngunit pinaboran ng korte suprema ang pagpapatuloy sa pagbuo nito.

Sa reklamong ito, nabuo sa kamalayan ng mga tao ang lantarang pag-akap sa komersyo at pagsasawalang bahala sa kultura at kasaysayan.

#OustDuterte

Maka-ilang beses nag-trend sa Twitter ang hashtag na ito matapos hindi magustuhan ng mga Pilipino ang ilan sa mga hakabng na ipinatupad ng administrasyon. Nagrereklamo ang mga Pilipinong nagising na mula sa katotohanan at nakakatakot na pangyayari sa ilalim ng pamumuno ng mga nasa itaas.

 

 

Anila, Pilipino para sa Pilipinas. Ipinaglalaban nila ang karapatan sa bansang pilit binabaluktot ang matuwid at pilit pinadidilim ang liwanag. Karamihan sa mga maka-administrasyon ay pilit binubusalan ang mga lumalaban para sa bayan kaya’t lalong nag-aalab na magpatuloy ang marami sa pagkamit ng ninanais at dapat para sa minamahal na inang bayan.

Patuloy ang pagrereklamo, patuloy ang pakikipaglaban.

 

Mass Testing Now!

Isa ka rin ba sa naniwalang may Mass Testing na magaganap sa bansa? ‘Di ba ang hirap umasa, masakit, nakakadismaya, at nakakagalit. Marso ng taong ito nang simulan ang lockdown ay nagsimula na rin ang panawagan para sa malawakan at maramihang testing upang mas madaling masolusyunan ang patuloy na lumalaking kaso ng COVID-19. Ngunit sa loob ng 106 na araw, mas maliwanag pa sa sikat ng araw ang malabong pagkakaroon ng Mass Testing; Ang sabi nga, pilitin mong mabuhay hangga’t wala pang bakuna!

Tuloy-tuloy ang panawagan sa usaping ito. Ito ang reklamo ng masa, ito ang nais ng bayan ngunit wala pa yatang tugon.

 

 

#JunkTerror Bill

Isa sa pinakamainit na paksa sa buong bansa na nagpakulo ng dugo ng maraming Pilipino ang “Anti-Terrorism Bill” na kinondena ng maraming Pilipinong nagreklamo para sa kapakanan ng bansa sa napipintong pagkawasak ng kalayaan. Marami ang nagulat sa tila kay bilis na prosesong mas mabilis pa sa kidlat na pagpasa rito sa gitna ng napakalaking problema ng pandemya.

 

 

Terorismo sa gitna ng pandemya, ito ang rasyonal na dahilan sa panukalang ito. Iniisip ng pamahalaan na maaaring sumiklab ang labanan kaya’t minarapat nilang aksyunan ang panukalang batas.

 

 

Nasa Malakanyang na ang draft para maisabatas. Sa loob ng ilang araw ay maari na itong mapirmahan ng pangulo pero patuloy pa rin ang panawagan na ibasura at itigil ito.

 

Defend Press Freedom

Binusalan ang malayang pamamahayag. Ito ang naging repleksyon ng madla pagsasara ng ABS-CBN at paghatol kay Maria Ressa. Sumabog ang damdamin ng sambayanan sa ‘di makatarungan at tahasang pambu-bully sa mga kawani ng medya.

 

 

Patuloy ang reklamo ng mga Pilipino bilang kaisa sa pakikipagtuos ng ABS-CBN sa pagdinig para sa prangkisa at ang pag-apela ni Maria Ressa sa kanyang kaso.

Sa mga isyung ito na kinaharap ng bansa, malinaw na nakita ang malaking partisipasyon ng reklamo ng mga Pilipino upang magwagi at magmulat ng kamalian sa lipunan.

Sa lipunang tanging demokrasya ang sandata, may magagawa ka. OO! ‘Wag kang mapagod magreklamo para sa iyo at para sa bayan. Ano pa’t naging demokratikong bansa ang Pilipinas, di ba?

 

Related Reads


What's New

More Articles