Napanood mo ba ang SONA ng Pangulong Duterte kahapon? Anong masasabi mo at tumatakbo sa iyong isipan ngayon? Natuwa ka ba o mas lalong nawalan ka ng pag-asa para sa bayan sa naganap na ulat-bayan?
Hindi naging maganda ang hatol ng bayan base sa mga komento at reaksiyon ng marami. Marami ang nagpahayag ng pagkadismaya tungkol sa dapat na pagbibigay ng konkreto at matibay na plano para sa bayan sa taong ito, ngunit tila raw pagmamalaki at pagbabalik-tanaw pa sa mga ‘di makatarungang hakbang na nangyari sa nakalipas lang ang naganap.
Anu-ano nga ba ang mga isyung nailahad? May mga pangmatagalang epekto nga ba ang mga nabanggit na suhestiyon para sa kapalaran ng bana sa mga susunod na buwan?
Tara at ating himayin ang ilan sa mga isyung nabanggit sa SONA at ang sagot sa kung paano ito haharapin:
COVID-19 PANDEMIC
Matapos ang panimulang pagbati ng pangulo, agad niyang pinag-usapan ang pinakamalaking hamon na kinakaharap ng bansa—ang pandemya.
Base sa mga tinuran ng lider ng bansa, malaki ang kanyang pinanghahawakang paniniwala na bakuna ang magiging sagot upang matapos ang krisis at pinasalamatan ang mga dakilang frontliners na hinaharap ang virus.
Kaugnay nito, ibinida rin ni Duterte ang pakikipag-usap sa Tsina patungkol sa bakuna, na kapag matapos na ang mga clinical trials na isinasagawa at maging matagumpay ay kabilang daw ang Pilipinas sa mga unang makikinabang sa produksiyon nito.
Inamin ng pangulo na napakahirap ng pagdaragdag ng mga testing booths sa nakalipas na anim na buwan at hindi raw naging perpekto ang pamamahagi ng ayuda, ngunit nangako ang pangulo na mas pagbubutihin pa ang mga hakbang para sa maayos na distribusyon.
Sa isyung ito, walang malinaw na plano ang naibigay para sa pagsugpo ng virus, hindi nabanggit ang mga karagdagang benepisyo para sa mga frontliners, at pulos mga salita ng pagdadalamhati sa kaawa-awang sitwasyon ng bayan.
ABS-CBN SHUTDOWN
Pinasaringan muli ng Pangulo ang tinatawag niyang mga oligarchs na may-ari ng ipinasarang kumpanya ng ABS-CBN. Sinabi niyang siya ay biktima ng pamilya Lopez noong eleksiyon 2016.
Binanatan din ni Duterte ang senador na si Franklin Drilon tungkol sa pagtatanggol nito sa media network at sinasabing dapat na ring wakasan ang dinastiya sa pagmamay-ari ng mga kumpanya sa bansa.
EKONOMIYA NG BANSA
Ipinagmalaki ng pangulo na nasa maayos daw na kalagayan ang Pilipinas pagdating sa katayuan ng ekonomiya sa gitna ng pandemyang kinakaharap at wala raw dapat ipag-alala ang bayan.
THANK YOU BONG GO!
Dalawang beses nabanggit ang pangalan ni senador Bong Go sa SONA kahapon matapos purihin ang mga nagawa at ipinanukalang batas kagaya ng Malasakit Act at ang postponement ng Sanggunian Kabataan election.
Si Go ay kilalang pinakamalapit na kaalyado ng pangulo noong alkalde pa ito ng Davao at palaging kasa-kasama sa lahat ng mga lakad nito.
Sa bahaging ito ng SONA, umani ito ng samu’t saring reaksiyon dahil bakit imbes na ilaan sa mas mahalagang bagay ay kailangan pa raw talagang may special mention ang senador.
DEPARTMENT OF OVERSEAS FILIPINO
Marahil ilang beses nang narinig ng mga Pilipino ang panukalang ito ng pangulo, sa kanyang SONA kahapon ay muli niyang hinimok ang mga kasama sa gobyerno na gawin ang departamentong ito.
Kaugnay nito, binanggit niya na bigyan ng tulong ang ating mga kababayan na nawalan ng trabaho sa ibang bansa at tulungan para sa patuloy na pag-papauwi sa kanila.
BAYANIHAN ACT 2
Nakiusap ang pangulo na pabilisan ang pagpasa ng ikalawang bersyon ng Bayanihan Act para mas marami pa ang maabutan ng tulong lalong-lalo na ang mga nawalan ng trabaho, mahihirap na pamilya, dagdag na aksyon sa online learning, at ang karagdagang COVID-19 testing facilities.
DEATH PENALTY
Sa ikatlong pagkakataon, pinaki-usapan ng Pangulo ang kongreso na buhayin ang usapin tungkol sa death penalty sa pamamagitan ng lethal injection para sa krimen na may kaugnayan sa droga. Matapos itong mariing banggitin ng pangulo ay nagpalakpakan ang mag kumbidadong panauhin sa loob ng Batasan.
Marami ang nagtaas ng kilay sa bahaging ito ng SONA, na kung bakit mas nagmamadali at mas pinag-uukulan daw ng panahon ang mga usapin tungkol sa pagpatay at tahasang panghuhuli sa bansa.
TAX REFORM
Upang tulungan makabangon ang bansa, nakiusap si Duterte sa mga mambabatas na ipasa ang “Create Act” na naglalayong ibaba ang mga income taxes ng mga korporasyon at mga karagdagang insentibo para sa mga mamumuhunan.
TOURISM
Sinabi ng pangulo na kapag naging maayos na ang sistema ay dapat daw na tangkilikin ng mga Pilipino ang ating mga maipagmamalaking lugar sa bansa upang makatulong din sa pagpapalago muli ng ekonomiya.
EDUKASYON
Walang magaganap na face-to-face learning hangga’t walang bakuna, ito ang naging pahayag ng pangulo tungkol sa sektor at kalagayan ng edukasyon sa bansa. Ipinangako niya na bago siya bumaba sa pwesto ay dapat na makasanayan ng mga paaralan ang online learning.
GOV’T MONOPOLY ON UTILITIES
Ipinagdiinan ng pangulo na nararapat lamang na ang gobyerno ang humawak sa mga iba’t-ibang utility services sa bansa. Kaugnay nito, binalaan niya ang mga Telco companies na ayusin ang serbisyo para sa mga Pilipino hanggang Disyembre at huwag nang hintayin na gumawa ulit ng hakbang ang gobyerno upang tapusin ang monopolyong umiikot sa iilang pamilya sa bansa.
WEST PHILIPPINES SEA
Sinabi ng pangulo na hindi raw niya basta-basta maaaring ipagpilitan ang pag-angkin sa mga pinag-aagawang teritoryo dahil maaari raw itong mag-mitsa ng digmaan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina. Mariing pinagtatalunan ito ng mga eksperto na sinasabing pagpapakita ng pagsunod na lamang sa kagustuhan ng mga dayuhan na angkinin ang mga lupaing nararapat lamang sa bansa.
DRUG WAR
Gaya ng inaasahan, binanggit ng pangulo ang usapin tungkol sa “War on drugs” na para kanya ay naging isang matibay na daan upang masugpo ang suliraning ito na alam naman nating lahat na tinutulan ng nakararami.
Ang lebel at disiplinang pinairal sa hakbang na ginawa noong kasagsagan ng “War on drugs” ay nabanggit na pangulo na kung saan ay maaari raw magamit para sa pagpapaigting pakikipaglaban sa pandemya.
Sa huling bahagi ng ulat-bayan, pinakiusapan ni Pangulong Duterte ang mga Pilipino na patuloy na magtiwala sa gobyerno lalo na ngayong may kinakaharap na krisis. Hinimok niya ang lahat na magtulungan sa patuloy na pagsugpo ng bansa sa pandemya.
Sa aking mga tinalakay na isyu at usaping nabanggit sa SONA kahapon, siguradong maraming sasang-ayon sa aking paglalagom na opinion na wala tayong nakuhang matibay na pangkabuuang plano para sa bansa.
Gaya nga ng sinabi ng pangulo, naguluhan din ba kayo o hindi niyo naintindihan ang lahat ng pinatutungkulan ng mga nabanggit kahapon?
Nakuha niyo ba ang sagot na hinihintay niyo?
So ano na 2020?