Isa ka rin ba sa mga nadismaya sa mga ‘kakaibang’ pahayag ni Senadora Cynthia Villar tungkol sa mga isyung kinakaharap ng bayan? Nagalit ka rin ba sa kanyang mga opinyon na tila malayong-malayo sa ikabubuti at ikagiginhawa ng marami? Kung oo, congrats dahil may pakialam ka pa rin pala sa bayan!
Noong Eleksiyon 2016, siya lang naman ang nakakuha ng ika-unang puwesto sa karera ng pagka-senador sa bansa, ibig sabihin marami ang naniniwala at sumuporta sa kanyang mga plataporma at hakbang, ngunit sa paglipas ng mga taon, ang isa sa pinakamayamang senador ng Pilipinas ay patuloy na nababalot ng kontrobersiya na umani ng samu’t saring reaksyon at komento dahil sa kanyang mga hindi katanggap-tanggap na opinyon sa mga isyu ng bayan.
Ngayon ating babalikan kung anu-ano ang mga hirit ni Sen. Cynthia Villa na talaga namang nagpataas ng dugo ng mamamayang Pilipino.
MGA NARS SA PILIPINAS
"Actually, hindi naman kailangan ng nurse na matapos ang BSN (BS Nursing). Kasi itong mga nurses, gusto lang nilang maging room nurse.”
Matatandaan noong 2013, sa isang panayam ng isang programa sa GMA (Senatorial forum) nakapanayam ng batikang reporter na si Winnie Monsod si Villar na isa sa mga kumakandidato sa pagka-senador noon at natanong sa kanya ang panukalang buwagin na ang kurso ng nursing sa college dahil sa hindi na raw ma-maintain ang mga requirements ng CHED.
Sinagot ito ng Senadora na tila walang pahaging para sa mga nars ng bayan na nagpakulo ng dugo ng mga netizens, dahil sa kritisismong natanggap, nagpakumbaba si Villar at humingi ng kapatawaran sa mga nasaktan at naapektuhan sa kanyang mga pahayag.
PAGTAAS NG PRESYO NG GALUNGGONG
“Ako naman, kung mahal ang presyo ng galunggong, eh ‘di ‘wag kumain ng galunggong ‘di ba?...Ba’t ayaw kumain ng gulay? Mas healthy ‘yun.”
Noong 2019, nagkaroon ng kakulangan sa suplay ng galunggong sa buong bansa at halos umabot sa higit P300 ang kada-kilo nito, ngunit bilang pinuno ng komite ng agrikultura sa senado, nagpahayag ng disgusto ang senador sa planong pag-aangkat nito mula sa ibayong dagat para matugunan ang pangangailangan, at hinimok niya ang taumbayan na kumain na lamang daw ng gulay dahil mas masustansya ito.
Tila hindi ito nagustuhan ng taumbayan dahil para sa kanila ang “Poor man’s fish” o galunggong na paborito ng mga Pilipino ay minamaliit.
WALANG UNLI RICE
"So dapat i-train na rin nating mga Filipinos not to eat too much rice kasi nagiging diabetic. And you know, it’s expensive to cure diabetes. Parang sinasabi sa ibang bansa kaya hindi sila nagiging self-sufficient, because they have a better diet. So makakatulong iyon, iyong sinasabi nilang unlimited rice, hindi maganda iyon sa diet natin."
Marahil isa pa sa mga nakakapintig na marinig ang panukulang pagbabawal ng unli rice sa mga iba’t-ibang kainan. Ang pagpapatigil para sa unli rice serving ay ipinag-utos noon ng senadora dahil sa pahayag ng noo’y Agriculture Secretary na si Emmanuel Piñol na kailangan na ng bansa na mag-import ng bigas.
Marami ang nagalit noong kasagsagan ng isyu na ito kaya naman agad kumabig ang senadora na ‘di niya raw ibig ipatigil nang buo at sana lamang raw ay bawasan ng mga Pilipino.
SA MGA MAGSASAKA
“Tama lang yung limang pisong tubo kada kilo ng palay. I think P17 is really the regular price of palay. It’s too much to ask na magng P21 [o] P20.”
Sa mga pahayag na ito ni Sen. Cynthia Villar, tila walang pakundangan niyang sinagasaan ang mga pagkatao ng mga maliliit na magsasakang Pilipino na hindi matutumbasan lahat ng pagod at paghihirap para lamang may maihain sa lapag ng sambayanang Pilipino.
Sa mga komentong ito ng Senadora, hindi nakaligtas sa pandinig ng mga netizens at samu’t saring reaksyon ang ipinukol sa kaniya.
SA RESEARCH
“Parang lahat ng inyong budget puro research? Baliw na baliw kayo sa research. Aanhin niyo ba yung research?”
Noong nakaraang taon sa pagdinig ng badyet ng kagawaran ng agrikultura sa senado, kinuwestyon naman ng senadora ang malaking bahagi ng badyet ng departamento para sa research o pagsasaliksik.
Sa mga sinambit ng pulitiko, nagpuyos sa galit ang sambayan at lumitaw ang iba’t-ibang sagot sa kung bakit nga ba “baliw na baliw” ang mga ito sa “research”.
SA MGA MIDDLE-CLASS WORKERS
“Bakit bibigyan (ng ayuda) ‘yung middle class eh may sahod sila kahit lockdown?”
Nito namang magsimulang ipatupad ang lockdown sa bansa ay nagsimula na rin ang pamamahagi ng ayuda sa sambayanang Pilipino ngunit tila nagpahayag ng pagtutol ang senadora para sa pagbibigay ng tulong sa mga middle-class workers, at mas mabuti na lamang ibigay sa mga totoong walang-wala na.
Hindi nagustuhan ng mga manggagawa ang pahayag na ito ng senadora kaya naman maraming masasakit na salita ang natanggap niya. Ngunit, muling humingi ng tawad si Villar sa kanyang mga nasabi at hindi niya raw intensyon na ipagsawalang bahala ang ibang manggagawang Pilipino na dapat ding kilalanin ang kanilang kontribusyon sa ekonomiya.
SA MGA FRONTLINERS
“Hindi na siguro [Mag-ECQ]. Pagbutihin nila (Medical Frontliners) ang mga trabaho nila.”
Isa sa pinakasariwang isyung kinasangkutan ni Sen. Villar ay ang kanyang pahayag patungkol sa kung dapat nga bang isailalim sa ECQ ang Metro Manila bilang hiniling ng Philippine Medical Association (PMA).
Napakasakit, walang puso, at walang empathy, ito ang paglalarawan ng mga netizens sa tila hindi makataong pagpapahalaga sa mga bayaning frontliners ng Pilipinas. Galit na galit na ipinahayag sa social media ang nararamdaman ng mga Pilipino tungkol sa mga sinabi ni Sen. Villar.
Nitong nakaraang linggo lamang ay klinaro ni Villar na hindi ang mga medical workers ang pinapatungkulan niya bagkus ay ang mga namumuno raw sa pamahalaan.
Tunay nga na ang mga sumusunod na pahayag ni Senadora Cynthia Villar ang lalong nagpaingay sa kanyang pangalan sa pulitika, ‘yun nga lang, sa hindi halos kanais-nais na paraan.
Aminin mo, mas madaling pumuna ng pagkakamali ng iba, pero kung ang pagkakamaling ito ay paulit-ulit na, ikaw na ang bahalang humusga at magpasya kung paano mo tatratuhin ang isang tao.
Para sa mga komento at reaksyon, bukas ang aming mga isipan para sa inyong lahat! Nawa’y kayo rin.