Default

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit. Quae nam consequatur reiciendis omnis esse, nesciunt!

Close Me

I AM A POPUP CUSTOM02

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit. Quae nam consequatur reiciendis omnis esse, nesciunt!

Close Me
EDITORYAL: Reduced Physical Distancing sa public transportation, epektibo nga ba?
By Mamaro 15 Sep 2020 849

Ngayong linggo, ipinatupad na nga ng Department of Transportation (DOTr) ang kautusan sa pagbabawas ng standard na sukat ng itinalaga ng World Health Organization(WHO) na physical distancing na isang metrong pagitan.

Noong nakaraang Sabado, ika-12 ng Setyembre, ay ganap nang inanunsyo sa isang virtual conference ang bagong hakbang na ito na sinang-ayunan naman ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) para sa panukalang pagdaragdag ng mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan.

“Sa mga nakaraang araw ay nakita at narinig po namin ang mga hinaing ng ating mamamayan sa kakulangan ng public transportation, kasabay ang panawagan ng economic team na magtulong-tulong ang mga sektor upang mabuksan at makabangon na ang ekonomiya ng bansa. Kaya naman po inatasan ni Secretary Arthur Tugade ang ating mga sektor ng transportasyon na pag-aralan kung paano mapaparami ang kapasidad ng ating mga public transport na hindi sinasakripisyo ang kalusugan at kapakanan ng ating mamamayan,” sinabi ni DOTr Undersecretary for Administrative Service Artemio Tuazon, Jr.

Ang bagong hakbang na ito ng ahensya ay naglalayon ng pagtatakda ng 0.75 na metro sa pagitan ng mga pasahero sa lahat ng mga pampublikong transportasyon sa bansa na mababawasan pa sa mga susunod na linggo--0.5 na metro na lamang sa darating na ika-28 ng Setyembre at hanggang 0.3 na metro na lamang sa ika-12 ng Oktubre.

 

Photo courtesy CNN Philippines/Facebook

 

Kaugnay ng bagong kautusang ito, mahigpit pa ring ipapatupad ang “No Face Mask, No Face Shield, No Entry”, at ang  “No Talking and No Answering Calls” sa loob ng mga pampublikong sasakyan.

Sa bagong kautusang marami ang umalma at hindi pabor na gawin ito dahil tiyak lamang daw na maaaring magbunsod ito ng paglala ng kaso ng virus sa Pilipinas. Anu-ano nga ba ang mga nakikitang hindi magandang epekto at negatibong dulot nito sa bayan? Isa-isahin natin.

 

MALAWAKANG HAWAAN AT PATULOY NA PAGLOBO NG KASO NG COVID-19 SA PILIPINAS

Matapos ipatupad ang utos na ito, isang grupo ng mga healthcare workers ang nagpahayag ng pagkadisgusto rito, umapela sila sa IATF na ipatigil ang hakbang dahil maaaring lumala lamang ang sitwasyon ng hawaan sa bansa na magiging malaking dagok sa mga frontliners at mga ospital.

Sa panayam ni Dr. Carmela Kasala ng Healthcare Professionals Alliance Against COVID-19 (HPAAC) sa Unang Hirit ngayong araw, sinabi niyang tataas ang kaso ng mga magpopositibo sa COVID-19 dahil sa kautusang ito.

“Hindi talaga sang-ayon ang pangkat ng HPAAC diyan sa pinaplanong 'yan. Malamang, tataas na naman ang cases ng COVID,” sabi ni Dra. Kasala.

Ayon pa kay Dra. Kasala, ang kanilang grupo raw ay magkakaroon ng pagpupulong kasama ang IATF para pag-usapan ito, aniya, magpapakita sila ng mga models na base sa pag-aaral para sa posibleng kahinatnan ng bansa dahil sa pagbabawas ng sukat ng physical distancing.

Sa suhestiyong ito ni Dra. Kasala at iba pang mga doktor sa bansa, dapat lamang na makinig tayo sa kanilang mayroong malalim na kaalaman sa virus. Hindi dapat padalos-dalos ang marami sapagkat patuloy pa rin ang pagkalat ng sakit sa buong bansa.

 

SIKSIKAN AT PAGSASAWALANG BAHALA NG MGA TAO SA VIRUS

Sa ugaling ‘pasaway’ ng mga Pilipino, tiyak na magiging balakid ito sa mga pampublikong transportasyon. Sa nakalipas na buwan, may pangilan-ngilang balita ang naglabasan tungkol sa mga hindi nasusunod na health protocols dahil sa kawalan ng masasakyan, ang ilan ay makikita pa ring medyo siksikan.

Ayon sa panayam kay Dra. Carmela Kasala sa Unang Hirit, hindi raw malayong magpasawalang bahala ang mga tao dahil lumuluwag na nga ang physical distancing.

“Baka iniisip ng mga tao na pawala na ang virus na 'to at pababa na 'yung mga numbers,” sabi ni Dra. Kasala.

Sa paksang ito, dahil sa kagustuhan ng marami na makalabas, malamang ay iisipin nila na maaari na muling lumabas nang mas madalas dahil nagkaroon na ng pagluwag sa mga general rules.

 

WALANG MATIBAY NA BATAYAN MULA SA MGA EKSPERTO

Ang mga eksperto mula sa University of the Philippines (UP) ay isa rin sa maraming tutol sa pagbabawas ng sukat sa physical distancing sa mga pampublikong transportasyon sa gitna ng banta ng COVID-19.

Sa panayam kay UP-OCTA Research Team Professor Ranjit Rye at Dr. Guido David ng DZZB, ipinahayag nila ang pagtutol sa hakbang na ito.

“Tutol po kami dito sa decision o plano ng Department of Transportation (DOTr). Naniniwala po kami na dadami po ang transmission natin ng COVID-19 kung gagawin natin ito,” sabi ni Prof. Rye.

“Hindi ho kami kinonsulta rito. Meron naman talaga dapat mga eksperto na konsultahin tungkol sa mga ganito , mga scientist, mga health expert natin sa Department of Health,” dadag ni Rye.

Sinabi naman ni Prof. David na ang nasabing desisyon ay dapat nakabase sa siyensiya at pinag-aralang mabuti, dagdag pa niya mismong World Health Organization (WHO) ang nagtakda ng isang metrong pagitan sa bawat isa para maiwasan ang pagkalat ng virus.

“Kung .75 meter , mamaya baka gawin na rin nating 0.5 meter. I mean kung arbitrary lang naman din ‘yung distancing, hindi na siya science-based,” ani Prof. David.

Sa mga ipinuntong ito ng mga dalubhasa mula sa UP, malinaw na dapat mas nagkaroon ng maayos na koordinasyon sa lahat ng mga sangay upang makakuha ng mas marami pang mungkahi kung magiging epektibo nga ang hakbang na ito ng DOTr o hindi.

 

Sa kabilang banda, naglabas naman ng ekplanasyon ang DOTr patungkol sa mga maaaring magandang epekto nito sa sitwasyon ng bansa, at ayon sa kanila ay makakatulong ito sa pangkalahatan at unti-unti pagbangon ng ekonomiya.

Ilan sa nakikita nilang magagandang epekto ay ang mga sumusunod:

 

MARAMING PASAHERO NA ANG MAAARING MASAKAY

Bilang nakita ng ahensya ang pahirapang pagsakay ng marami nating kababayan, naisip nilang maging isang solusyon ang pagbabawas ng itinakdang sukat ng physical distancing sa loob ng mga sasakyan.

Ito raw ang nakikitang positibong epekto ng DOTr na kanilang pinakapangunahing misyon--ang pagpapataas ng bilang ng mga pasaherong maaaring makasakay sa mga pampublikong transportasyon.

Nitong linggo rin ay balik-pasada na ang higit 1,000 jeep sa halos 30 ruta sa Quezon City, Maynila at Muntinlupa.

Nanawagan ang presidente ng Alliance of Concerned Transport Organizations na si Efren de Luna na sana bago bawasan ang sukat ng physical distancing ay payagan na raw lahat ng dyip na pumasada para tuluyang makasakay ang marami pang pasahero.

Sa bahaging ito ng usapin, oo, marami ang makakasakay pero ito ang pinangangambahan ng mga eksperto na baka mas mabilis o doble pa ang pagkalat ng virus sa bansa.

 

MAKAKATULONG SA KITA NG MGA DRAYBER

Nasa 13,000 jeep na nga ang nakakabiyahe na, malayo pa sa 70,000 driver na dating pumapasada, kaya’t nanawagan ang grupong Piston na huwag nang utay-utayin at payagan nang pumasada ang lahat ng tsuper para mabuhay ng mga ito ang kanilang mga pamilya. 

Para raw mas lalong makatulong sa mga drayber, ipinanukala ni bise president Leni Robredo na imbes ipagpatuloy ang boundary system sa mga jeep na malaking lubhang nakakabigat sa pasanin ng mga drayber, sana raw ay pumayag muna sa service contracting na sistema.

 Sa radio program ni Robredo, sinabi niya sa mga operators at transport officials na ‘wag basta-basta itaya ang kalusugan at gumawa raw ng desisyon base sa siyensiya.

Aniya, kung nais tulungan ang mga drayber upang mas kumita, ay ayos lamang daw ‘yon ngunit mayroon pa na mas magandang paraan para gawin ito.

Walang masamang sumubok sa lahat ng alternatibong solusyon upang mas makita kung ano nga ba ang mas epektibo sa lahat ng mga hakbang.

 

PATULOY NA PAGBANGON NG MGA INDUSTRIYA AT KABUHAYAN

Dahil patuloy ang dagok sa sector ng ekonomiya, parte ng plano sa hakbang na ito na mahikayat ang mga mamumuhunan ang unti-unting pagbubukas ng mga kabuhayan at industriya para sa pagbangon ng ekonomiya.

Para raw sa mga hindi sang-ayon sa pagbabawas ng sukat sa physical distancing, sinabi ni DOTr Undersecretary Artemio Tuazon na ang kontekstong ito ay batay sa mga pag-aaral ng eksperto sa  ibang bansa patungkol sa railways and medical fields.

 “Pinagbasehan po namin dito 'yung pag-aaral ng ibang eksperto, katulad po sa train 'yung International Union of Railways, na nakikita na hindi naman ganun kailangan talagang kalaki ang distansya,” Tuazon said.

Sinabi ng pinuno ng economic affairs committee ng House of Representatives na si AAMBIS-OWA Rep. Sharon Garin na ang aksyon raw na ito ng DOTr ay makakatulong sa ekonomiya.

“Without public transport, people can’t go to work and businesses won’t open,” sabi ni AAMBIS-OWA Rep. Sharon Garin.

“When supply for public transportation is less than demand, people forgo social distancing. The wheels of the economy won’t start turning without ample public transportation,” dagdag niya.

 

Maraming mga suhestiyon at opinyon ang binibigay ng mga opisyal at eksperto kung paano balansehin ang sektor ng kalusugan at ekonomiya. Ngunit sa daang sali-saliwa, mahirap matamo ang tamang kasagutan.

Ikaw, anong punto mo sa ipinatupad na reduced physical distancing?



 

 

Related Reads


What's New

More Articles