Halos sampung buwan na ang nakakalipas nang isailalim ang Pilipinas sa lockdown. Nagbago ang takbo ng buhay, nagbago ang ikot ng mundo.
Ngayong Disyembre, pag-asa ang hatid na balita ng mga nangungunang bansa sa paggawa ng mga bakuna na makakapuksa sa virus. Ito na marahil ang isang magandang regalong matatanggap ng lahat kung sakali—maraming salamat sa walang tigil na pagtatrabaho ng mga dalubhasa sa buong mundo.
Ngunit, sa kabila ng mga bakunang nakalinya at sinasabing magliligtas sa maraming mga buhay, marami pa rin ang nag-aalinlangan kung ligtas ba talaga ang mga ito? Siyento porsyento ba ang resulta ng mga pagsasaliksik na ginawa sa kanila?
Magsasagawa ng solidarity trials ang mga bakunang papasa sa pagsusuri at pag-aaral ng Food and Drug Administration (FDA) na kinakailangang lahokan ng ilang libong Pilipino. Ang tanong ng bayan, ligtas bang sumali rito?
Ang World Health Organization (WHO) na mismo ang nagsabi na sisimulan ngayon buwan ang mga trials upang malaman kung epektibo nga ba ito sa pagbabawas ng mortality rate o bilang ng mga namatay.
PROSESO NG CLINICAL TRIALS SA MGA BAKUNA
Base sa datos ng World Health Organization (WHO), umabot na sa ilang daan ang bilang ng mga bakunang ginagawa ng ilang mga bansa at ang ilan nga dito ay sumasailalim na sa clinical trials.
Kapag natapos gawin ang isang bakuna, ito ay kandidatong sumailalim sa tinatawag na preclinical trial na kung saan ay susubukan sa mga hayop tulad ng daga o unggoy upang makita kung nakagawa ito pagbabago sa immune system.
Pagkatapos nito ay susubukin naman ang tatlong bahagi ng clinical trials sa tao.
Sa Phase 1, susubukan sa 10 hanggang 100 katao muna o maliit na bilang kung ligtas ang bakuna, at kung makitang malaki ang naging positibong epekto nito, susubukan naman sa 100 hanggang 1000 na indibidwal ang bakuna sa tinatawag na Phase 2.
At ang Phase 3, ang huling bahagi ng clinical trial, kinakailangang ang mas malaking bilang ng makikilahok dito na mula sa 1000 katao.
MGA BAKUNA
Nitong nakaraang lingo, nakapasa na sa panel o kinabibilangan ng mga eksperto ang Sinovac na mula sa China para magsagawa ng Phase 3 ng clinical trial sa bansa.
Samantala, nasa pagsusuri pa rin ang Sputnik V na mula sa Gamaleya Research Institute.
Patuloy naman ang negosasyon sa mga bakuna mula sa US na gawa ng Pfizer at ang Moderna para sa pagsasagawa ng Phase 3 sa bansa.
“(They are) still undergoing talks. We are still trying to negotiate and we are still trying to discuss with them. So there is still no certainty, we still do not have confirmed details regarding this matter,” sabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Inutos ng World Health Organization (WHO) na taasan ang bilang ng mga sasali sa mga clinical trials na mula 2,000 hanggang 4,000. Upang mas malaman kung epektibo ang bakuna, ang bawat isa na lalahok ay bibigyan ng bakuna o isang placebo.
Pagkatapos mabigyan ng bakuna ang isang kalahok, maari siyang magpatuloy sa normal na mga ginagawa niya sa buhay ngunit kinakailangan niyang ibahagi ang mga maaaring pagbabagong maranasan kung sakali.
Sinabi pa sa balita na ang mga volunteers daw ay kailangan pumirma sa isang consent form, hindi bayad na partisipasyon, at makakatanggap ng maliit na halaga para sa allowance. Sasagutin ng mga medical na pasilidad na nagsasagawa ng trial ang lahat ng gastos at sisiguruhing ligtas ang lahat ng mga bakunang ituturok sa kanila.
Ano-ano pa man ang ating mga isipin sa isyung ito, manalig nawa sana tayo na may magandang resulta at sagot tayong matanggap mula sa mga bakunang ito para sa lahat.
Ikaw, papayag ka bang sumali sa clinical trials ng mga bakunang ito?