Sa late-night address ng Pangulong Duterte kagabi, Setyembre 28, 2020, mariin niyang kinondena ang hakbang na ginawa ng pinakapopular na social media application sa buong mundo na Facebook sa pagtatanggal at pagbubura ng diumano’y mga pekeng accounts na nagpapakalat ng mga maling impormasyon.
Nitong nakaraang linggo matapos ang malalimang imbestigasyon ng Facebook, 57 na accounts, 31 na pages, at 20 Instagram accounts na may kaugnayan sa pulisya at militar sa Pilipinas ang kabilang sa mga binurang accounts.
Ang mga nasabing accounts ay inireport sa ilalim ng kategorya ng community standards ng Facebook bilang naglalaman ng “coordinated inauthentic behavior” o mga accounts na may kaugnayan sa iba pang mag pekeng accounts.
Sabi ni Nathaniel Gleicher, Facebook Head of Security Policy, “This network consisted of several clusters of connected activity that relied on fake accounts to evade enforcement, post content, comment and manage Pages. This operation appeared to have accelerated between 2019 and 2020… Although the people behind this activity attempted to conceal their identities, our investigation found links to Philippine military and Philippine police.”
Hindi nagustuhan ni Duterte ang aksyong ito ng Facebook, at sa kanyang late-night speech nga ay binanatan at ipinahayag niya ang saloobin patungkol sa tila pakikialam daw ng Facebook sa mga polisiya ng bansa.
"From what I have learned in the past days, na pati ang advocacy ng gobyerno tinatanggal. So what's the purpose of you (Facebook) being here?" Sinabi ni Duterte sa kanyang public briefing kagabi.
Aniya, hinahayaan naman daw na mag-operate ang Facebook sa bansa ngunit kung ‘di raw nito susuportahan ang bansa sa mga adbokasiya para sa kabutihan ng marami, bakit pa raw sila nandito sa bansa.
Ang matapang na mga pahayag at patutsada ng ito ng Pangulo ang naging mainit nga na paksa sa social media ngayon, para sa marami ito ay mabisang hakbang para sa pagsugpo ng pagkalat ng malitang balita at pagpapatigil sa paggawa pa ng maraming fake o dummy accounts.
Ngunit, bakit ganoon na nga lang ba ang galit ng Pangulo sa naganap na ito, maraming nagtatanong lalo na ang mga kritiko, bakit ganoon na lamang ang kanyang reaksiyon sa pagkabura ng mga accounts gayong napatunayan naman ng Facebook admin na ito ay may kaugnayan sa mga trolls?
Tanong nga ng ilan, maapektuhan ba kaya siya sa patuloy na pagkawala ng mga fake, dummy, o troll accounts sa bansa? Ito na nga ba ang katapusan ng pagsasalaula ng mga walang magawang mga nilalang sa Facebook?
(Read: How much can you earn as an online paid ‘troll’?)
FACEBOOK INVESTIGATION
Lumabas sa imbestigasyon ng Facebook sa pangunguna ni Nathaniel Gleicher na ang mga posts sa mga binurang accounts ay nasa lenggwaheng Filipino at Ingles tungkol sa mga balita at kaganapang pampulitika, aktibidad ng militar sa pagsugpo ng terorismo, ang panukalang anti-terrorism bill, kritisismo sa kuminismo, mga kabataang aktibista at oposisyon, at iba pa.
Ang mga nabanggit na paksa ay nakitang ibinabahagi o pinopost gamit ang mga accounts at pages na nag-uugnay sa military at pulisya.
Kaugnay nito, lumabas din sa imbestigasyon na sa bansang China ay may mga pekeng accounts din na may kaugnayan sa Pilipinas. Tinanggal ng Facebook ang 155 accounts, 11 pages, 9 FB groups, at 6 Instagram accounts para sa paglabag sa polisiya ng pakikialam ng gobyerno sa ilang pang-internasyonal na usapin.
Ang mga nasabing posts ay konektado raw sa mga aktibidad ng mga pekeng accounts na nagpapanggap na mamamayan ng isang bansa na nais nilang i-target.
Ang ilan sa mga nakitang laman o content ay mga accounts na ginawa para kay Duterte at ang posible raw na pagtakbo ni Sarah Duterte sa 2020, kritsismo sa Rappler, at iba pa.
Makikita sa mga batayang na may kaugnayan ang mga nasabing accounts sa mga nangyayari tungkol sa administrasyon.
Matatandaan na noong 2018, tinanggal din ng Facebook ang ilang-daang pages na nakitang nagpapakalat ng fake news dahil na rin sa “coordinated inauthentic behavior” at karamihan sa mga ito ay mga ‘pro-Duterte pages’ na sinasabing nakatulong sa pagkapanalo ng Pangulo.
Sabi nga ng marami, kung ginagawa raw ng bansa ang lahat para sa ikabubuti nito,t’yak lamang din daw na ginagawa ng Facebook ang kanilang trabaho upang mas mapalakas ang aksyon kontra cybercrime.
Sa pahayag ng Pangulo, inakusahan niya na pasimuno raw ang social media platform na ito sa isang rebelyon.
Gusto lamang daw ni Duterte na maprotektahan ang bansa laban sa kasamaan, tahasang niyang sinabing gusto niyang makausap ang Facebook tungkol sa ‘di pagkakaintindihan.
Tiyak na magiging mahaba na naman ang diskusyon na ito, maraming opinyon na naman ang maglalaban-laban, ngunit, sa kabilang banda naging daan ito upang maging bukas ang lahat sa pagkontrol ng mga usapin sa social media lalong-lalo na sa mga trolls.
Samantala, kung patuloy na mababawasan at mabubura ang mga fake accounts ay unti-unti ring mababawasan ang paghahasik ng kaguluhan sa mundo ng internet lalong-lalo na sa mga isyung panlipunan na pilit pinapalaki ng kampon ng kadiliman.
Para sa mga trolls, walang nakakaalam kung kalian kayo tuluyang masusugpo at mawawala; kung ang ilan sa inyo’y kinayang sikmurain ang trabahong ito, may pagkakataon pa para mag-isip at hindi tuluyang lamunin ng sistema at pagkaganid kapalit ng malaking salapi.
Anong masasabi mo sa mga nasabi ko? Bilang na nga ba ang mga sandali ng mga trolls sa bansa?