"Malungkot po dahil hindi muna maipapamahagi ang goods na inihanda namin buong maghapon dahil po sa #RedTagging na nagaganap. Magbigat sa pakirandam ko kasi maganda po ang intentions ko noong binuo ko ang #CommunityPantry at ilang araw na din po na napakaraming pinagsisilbihan nito at ganun din po ang tulong na dumadating," pahayag ni Anna Patricia Non sa kanyang Facebook post noong Martes, April 20.
"Sigurado po maraming tao po ang pipila sa amin bukas pero kailangan po muna nila maghintay sa susunod na araw bago po ito maipamahagi. Lalo na po at nagkaproblema kanina ang ibang Community Pantry sa mga kapulisan," dagdag pa nito.
Kaugnay ito sa paratang ng ilang ahensya ng gobyerno na ang malinis na intensyong pagtulong sa kapwa sa gitna ng pandemya sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga ‘Community Pantries’ sa iba’t-ibang dako ng Pilipinas na may layuning tumulong sa kapus-palad nating mga kababayan ay ginagamit diumano upang mag-recruit ng mga terorista sa bansa.
Sa kabilang dako, agad na binatikos ang paratang na ito ng mga netizens kasama ang hashtag na #NoToRedTagging na agad namang nag-trending sa Twitter, nitong Martes.
“Naghahanap kayo palagi ng ambag, ngayong nag-ambagan ang masa ire-redtag niyo kasi nagmumukha kayong inutil lalo? Lubayan niyo sila. Wala na kayong dulot puro pa kayo salot,” sabi ng isang Twitter user.
Maging ang ilang mga senador at iba pang opisyal ng pamahalaan ay nagbigay ng pahayag ukol sa isyung ito.
“My heart goes to Patreng (Ana Patricia Non), who has been maliciously red-tagged for having a heart for the poor. Ganyan na ba ka-paranoid na pati ang pagtulong sa kapwa ay minamasama? Anong ambag n’yo?” Paliwanag ni Senator Nancy Binay.
Habang si Quezon City Mayor Joy Belmonte naman ay nagpahayag ng suporta kay Non. at sinigurado ang kaligtasan nito sa kanilang lungsod. Aniya, maganda ang pinapakitang hangarin ng proyektong sinimulan ni Non, bagkus dapat itong suportahan.
Samantala, ilang mga Filipino naman ang nagsasabi na kaya raw nangingialam ang gobyerno sa proyektong ito ay lumulutang ang kanilang labis na pagkukulang sa pagbibigay ng karampatang aksyon sa gitna ng pandemya.
Ang pang-re-redtag o pagbahid ng malisya sa kagaya ni Anna Patricia Non na wala namang ibang intensyon kundi tumulong sa kapwa Filipino ay isang malinaw na pang-aabuso sa kapangyarihan. Kung wala sa plano ng mga namumuno ang tulungan ang kababayan nating nasasadlak sa pagdarahop ngayong krisis dala ng COVID-19, nawa’y hayaan nilang magtulungan ang mga mamamayan.