Default

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit. Quae nam consequatur reiciendis omnis esse, nesciunt!

Close Me

I AM A POPUP CUSTOM02

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit. Quae nam consequatur reiciendis omnis esse, nesciunt!

Close Me
EDITORYAL: Ang naglahong katarungan sa laban ni Jennifer Laude
By Admin 08 Sep 2020 2569

Anim na taon na ang nakararaan nang mapaslang si Jennifer Laude, isang kaawa-awang transgender woman na natagpuang wala nang buhay sa isang motel sa Olongapo City, at ang may sala, isang US Marine na si Lance Cpl. Joseph Scott Pemberton.

 

Ngayong linggo, isa nga sa pinakamainit na balitang pinag-usapan ng marami ay ang pagbibigay kapatawaran o pardon at ang pagpapalaya kay Pemberton ni Pangulong Duterte.

Muli, kinondena ng mga militanteng grupo at organisasyon ang naging desisyon na para sa kanila ay isang patunay ng hindi pantay na pagkiling ng katarungan para sa iilan.

 

OKTUBRE 11, 2014

Si Pemberton na isang anti-tank missile operator sa New Bedford, Massachusetts, ay isa lamang sa libo-libong mga Amerikano at Pilipinong sundalo na sumali sa joint military exercises sa bansa noong 2014.

Noong araw na naganap ang malagim na pangyayari, si Pemberton at ilang mga kasama na kasalukuyang naka-leave matapos ang isinagawang pagsasanay, ay nagkayayaang magpunta sa isang bar na kung saan nakilala nila ang grupo nina Laude.

Matapos nito ay nag check-in ang dalawa sa isang motel sa Olongapo kung saan naganap ang karumal-dumal na pagpatay kay Laude--isinubsob ang mukha sa inidoro at nabali ang leeg, isang hindi pangkaraniwang gawain na tila galit na galit ang gumawa.

 

Caption

 

Ayon kay Pemberton na noo’y 19 na taong gulang, nagalit siya kay Laude nang magsinungaling ito sa tunay na kasarian, inamin niya na sinaktan niya ito at sinakal ngunit iniwan niya raw na humihinga pa ang biktima.

 

DISYEMBRE 2015

Nakamit ng pamilya Laude ang mapait na tagumpay at hustisya para kay Jennifer. Hinatulan ng korte ang binata ng 6-12 taong pagkakabilanggo upang pagbayaran ang kasalanan matapos ang higit isang taong pakikipaglaban.

Ngunit, sa kabila nito hindi nasunod ang orihinal na utos ng gobyerno na ipiit ang akusado sa National Bilibid Prison (NBP) dahil nangibabaw ang kagustuhan ng mga amerikano na alinsunod sa Visiting Forces Agreement (VFA) ng Amerika at Pilipinas na ikulong na lamang siya sa Camp Aguinaldo.

 

VISITING FORCES AGREEMENT (VFA)

Ang isa sa nakikitang butas at hindi pantay na pagkilala sa kasunduang kasalukuyang umiiral na Visiting Forces Agreement (VFA) sa bansa ay ang nakasaad dito tungkol sa mga sundalong Kano na makakagawa ng krimen sa Pilipinas. Mananatili sa kustodiya ng Amerika ang sinumang magkakasala at kung mahatulan man, gaya ng nangyari kay Pemberton, ang US pa rin ang masusunod sa kung ano ang mga maaaring mangyari sa akusado—hindi masusunod ang kabuuan at itinakdang utos ng husgado.

Nakababahala ang bagay na ito ‘pagkat kung iisipin, ang isang sundalong kano na pumatay ng Pilipino sa sariling nitong bansa ay mananatiling protektado ng kanyang gobyerno, na siyang kabaliktaran sa maaaring sapitin ng isang sundalong pinoy na nasa US kung makakagawa ng kasalanan.

Ang kaso ni Laude at Pemberton ay marahil isa lamang sa napakaraming kaso ng pagpatay sa mga Pilipino na kinasasangkutan ng mga dayuhan na hindi nabibigyan ng sapat na atensiyon at higit na katarungan dahil na rin sa takot ng biktima at kawalang suporta para sa laban.

 

 

ABSOLUTE PARDON PARA KAY PEMBERTON

Kahapon, Setyembre 7, binigyan ng Pangulong Duterte si Pemberton ng absolute pardon o kapatawaran sa kanyang nagawang krimen, isang kapangyarihan maaaring ipataw ng Presidente sa sinumang nais niyang bigyan.

Ang naging basehan raw ay ang pagkakaroon ni Pemberton ng maayos at magandang record ng good conduct time allowance o GCTA. Sinabi pa ni Duterte na dapat purihin ang akusado dahil sa maayos na ugaling ipinakita sa loob ng kulungan.

“Binura na po ng Presidente kung ano pa yung parusa na dapat ipapataw kay Pemberton,” Sinabi ni Presidential spokesman Harry Roque.

 “Ang ’di po nabura ng Presidente, ’yung conviction ni Pemberton, mamamatay-tao pa rin po siya. Pero kung ano yung karagdagang parusa pa, binura na ng Presidente,” dagdag nito.

 

Sinabi naman ng isang opisyal ng Department of Justice (DOJ) na hindi raw dumaan sa tamang proseso ang naging pagpapalaya kay Pemberton.

"'Yung normal process, meron application na dumadaan sa ating Board of Pardons and Paroles. Yan ay ini-evaluate ng board at inaakyat sa DOJ for endorsement with the Office of the President," sinabi ni DOJ Undersecretary Markk Perete

Ang pabigla-biglang desisyong ito ng pangulo ay nagdulot ng samu’t-saring reaksiyon. Mayroong nagalit at tila nawalan na ng pag-asa para sa pagkamit ng katarungan para sa mga Pilipino.

Narito ang ilan sa mga reaksiyon sa social media:

 

 

 

 

 

 

Hindi ko batid kung bakit kung sino pa ang mga napapatunayang may sala ang nabibigyan ng pagkakataon samantalang ang mga sinentensyahang may mas mababaw na kasalanan ay naiiwan at hinahayaang masayang ang mga araw sa bilangguan.

Ang pangyayaring ito ay isa sa nakakalungkot na tagpo sa kasaysayan, na para sa mga katulad ni Jennifer Laude na napagkaitan ng tagumpay.

May katarungan pa bang umiiral sa bayang ito? At kung mayroon pa, para kanino ito?

 

 



 

Related Reads


What's New

More Articles