Sa loob ng tatlong buwang lockdown sa Pilipinas, nakita natin ang iba’t-ibang paraan ng pamamalakad ng mga siyudad at lalawigan sa pakikipaglaban kontra COVID-19—may ilang nagpakita ng nakabibilib na mga hakbang at sadyang nangibabaw sa lahat, isa na nga rito ang Baguio City.
Noong nagsisimula pa lamang ang pagdami ng kaso ng mga nagpositibo sa virus, maagap na aksyon ang ginawa ng lungsod para masigurong hindi na kakalat at dadami pa ito. (Basahin: Baguio, kinilala bilang ‘Model City’ sa Pakikipaglaban kontra COVID-19)
Kamakailan nga ay kinilala ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang siyudad sa mga hakbang pangkaligtasan na ginawa nito para maiwasan ang pagdami ng kaso. Tinawag pang ‘Best Practice’ ng kagawaran ang mga kautusang ipinatupad para sa bayan.
Anu-ano nga ba ang mga ito?
CONTACT TRACING
Maraming lugar sa bansa ang nakapansin sa nakabibilib na paraan ng Baguio City sa contact tracing o ang paghahanap sa mga taong nakasalamuha ng mga nagpositibo sa virus.
Ang punongbayan na si Mayor Benjamin Magalong ang nanguna sa hakbang na ito na kung saan nagsanib ang mga law enforcers o mga kapulisan at mga health authorities (doktor at nars) para tukuyin ng mga indibidwal na maaaring nahawa.
Identify, isolate, test, and trace ang konseptong ginamit sa prosesong ito. Kapag mayroong nagpositibo sa virus ay agad itong kikilalanin at kukumbisihin na pumayag na ilantad ang sarili sa publiko upang masimulan kaagad at mahabol ang mga taong posibleng nahawaan ng virus. Kung pumayag ito, ipo-post nila ang impormasyon ng nagpositibo at magsisimula na ang tungkulin ng mga contact tracers para maiwasan ang lalong pagkalat.
Bilang dating pinuno ng Philippine National Police - Criminal Investigation and Detection Group, (PNP-CIDG) naniniwala si Mayor Magalong na malaki ang gampanin ng mga kapulisan/imbestigador sa pagko-contact trace dahil maipapamalas nila ang kanilang cognitive interview skills dahil sumailalim sila sa pagsasanay na ito. Naniniwala siya na sa parang ito, madaling makabubuo ng koneksyon sa pagitan ng mga pasyente at contacts. Maihahalintulad ang paghahanap sa mga pinaghihinalaang kaso sa isang kaso ng paghahanap ng mga taong may nagawang criminal offense.
“Kailangan pagkausap pa lang ng investigator, panatag yung loob ng ini-interview. Gaya ng isang positive patient, grabe ang level of anxiety niya, nagiging paranoid siya,” sinabi ni Mayor Magalong sa isang panayam.
Ang paraang ito ay naging epektibo sa pagkalat ng virus. Sa katunayan, nagkaroon lamang sila ng 36 na kaso ng COVID-19 mula nang isarado ang lungsod.
CONTACT TRACING e-SYSTEMS
Ginamit din ng lungsod ang oportunidad ng teknolohiya sa pagsugpo ng virus, Mayroong tatlong components ang kaugnay sa kabubuuan ng contact tracing plan ng lungsod, ito ay ang mga sumusunod:
- COVID19 Data Collection Tool
Lahat ng mga impormasyon patungkol sa mga indibidwal na tinamaan ng COVID-19 ay nakalagay sa dashboard na ito, kung saan maaaring makita ng publiko ang mga nais nilang malaman sa lahat ng mga nagpositibo.
- GIS Platform
Ito ay ang isa sa mga hakbang na sinimulan ni Mayor Magalong noong nasa PNP-CIDG pa siya. Maihahalintulad sa crime mapping na isinasagawa ng mga kapulisan ngunit imbes na mga krimen, makikita sa espesyal na teknolohiyang ito ang mapa na kung saan nakalagay ang lokasyon ng mga nagpositibo sa virus, at mga suspect o probable cases.
- Analytical Tool – Link Analysis
Ito ang ginagamit ng Baguio City sa pag-iimbestiga na tinatawag ding case management and analysis system na isa rin sa kanyang mga nagawa sa CIDG.
Sa tool na ito tanging espesyal na teknolohiya lamang ang makagagawa ng proseso. Mas naiintindihan nila ang pinagmulan dahil makikita rito ang koneksyon ng lahat ng mga nagpositibo sa virus.
Isang nakakabibilib na pamamaraan ang naisip ng siyudad upang gawin ang mga hakbang na ito. Patunay din na naging kapaki-pakinabang ang lahat ng natutunan at karanasan ni Mayor Magalong sa PNP-CIDG para sa mahal na bayan.
TRIAGE CENTRAL SYSTEM PARA SA MGA RETURNING BAGUIO RESIDENTS (RBR) AT MANGGAGAWA
Nang ibaba na ang lungsod sa general community quarantine, inasahang marami ang magbabalik dito at mga manggagawang aakyat para ituloy muli ang buhay.
Gumawa ang Baguio ng Triage Central System na striktong kautusan ng pamahalaang lungsod at kailangan pagdaanan ng lahat ng mga nais umakyat. Dito ay magkakaroon ng interview at testing para mas madaling matukoy kung ang isang indibidwal ay possible carrier ng virus sa lugar.
COVID-19 REAL-TIME MONITORING
Isa rin sa paraan ng lungsod ay ang pagkakaroon ng real-time monitoring system sa bilang ng mga nagpositibo o mga pinaghihinalaang may COVID-19. Layon nito ang maging bukas sa lahat ng impormasyon sa buong siyudad ang pamahalaang panlungsod.
Umani ng papuri ang Baguio City kay Pangulong Duterte nang minsang banggitin nito ang mga nakabibilib na hakbang na ginagawa ng siyudad.
Ibinahagi ni Mayor Benjamin Magalong ang kanilang mga hakbang pangkaligtasan sa iba pang lugar upang magsilbing inspirasyon at gabay lalo ngayong patuloy na tumataas ang bilang ng kaso sa buong bansa partikular na sa Metro Manila.
Ayon naman sa DOH, nangangailangan pa sila ng mga contact tracers sa Metro Manila upang mas mapadali ang mga gawain sa pagtukoy ng mga posibleng tinamaan ng kaso.
Baguio City na nga yata ang modelong siyudad sa pakikipaglaban kontra COVID-19, isang patunay na kung nagawa ng isang lugar ay maaring magawa rin ng lahat.
KUDOS BAGUIO CITY!