Default

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit. Quae nam consequatur reiciendis omnis esse, nesciunt!

Close Me

I AM A POPUP CUSTOM02

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit. Quae nam consequatur reiciendis omnis esse, nesciunt!

Close Me
100 Days of Community Quarantine: Kumusta ka na ba Inang bayang Pilipinas?
By Mamaro 23 Jun 2020 944

Makalipas ang isandaang araw mula nang ipatupad ang lockdown sa Pilipinas, kumusta na nga ba ang estado ng bansa sa pakikipaglaban kontra COVID-19? Sapat ba ang mga nagawang hakbang para puksain ang pandemya?—marahil ilan lamang ito sa napakaraming mga tanong na ngayo’y patuloy na bumabagabag hindi lang sa akin kundi sa marami pang Pilipinong may pakialam pa rin sa bayan.

Ika-labing anim ng Marso ngayong taon nang simulang ipatupad ang napakaraming mga alituntunin para maiwasan pa ang kinatatakutang paglaganap ng pandemya sa bansa. Mula sa isang kaso, ngayon tayo ay nasa tatlumpung libong kaso na at sinasabing patuloy pang tataas sa mga darating na araw.

 

Photo courtesy of DOH / Facebook

Tila naging isang malaking palabas ang nangyari sa bansa sa kawalan ng isang konkretong plano at matibay na hakbang. Nakakadismaya at nakakagalit kung iisipin ang maraming pagkakataong nasayang at mga ‘sana’ na hindi naisakatuparan—maihahalintulad sa kosepto ng expectations vs. reality ang kinahantungan natin.

Ano-ano nga ba ang mga naganap sa bansa sa mga nakalipas na buwan:

 

WALANG MASS TESTING

Walang araw na hindi ito ipinaglalaban ng mga Pilipino ngunit sa kasamaang-palad ipinag-sawalang bahala ito ng mga nasa kinauukulan, kaya’t heto tingnan mo kung nasa’n tayo ngayon, nasa rurok ng alanganin dahil walang mangyayaring MASS TESTING kahit kailan, wala!

Nasayang ang pagpipirmi sa loob ng bahay kung wala rin namang alang kaakibat na aksyon ang naganap. Kinulong lang tayo—kinulong tayo sa pag-asang baka naman may gumalaw, na baka naman may kikilos na hindi uunahin ang sarili kundi ang bayang nanganganib.

Isandaang araw ang nagdaan pero WALANG MASS TESTING NA NAGANAP!

 

AGARANG PAGPAPATUPAD NG BAYANIHAN HEAL AS ONE ACT

Mabilis ang pagbibigay ng karagdagang ‘kapangyarihan’ sa pangulo sa bisa ng batas na ito ngunit marami ang kumondena sa mga pamamaraang ipinatupad na hindi direktang sumasagot sa suliraning kinakaharap at tila nililihis ang daan.

Maraming naniwala sa kapangyarihang ito na ipinagkaloob sa makapangyarihang nasa itaas na baka maging mabisa ito, na baka ito ang magiging daan sa mabilis na pagsugpo sa pandemya. Marami ang natangay sa tila ‘palabas’na ito, isa ka ba sa naniniwala rito?

 

275 BILYONG PISONG BADYET PARA SA COVID-19

Nasa’n ka na ba? Maraming naghahanap sa kanya, ikaw ba nakita mo rin ba kung nasaang mga kamay napunta ang perang ito? Dahil nga sa paghahanap ng sambayanan sa napakalaking pondong ito ay umusbong ang awiting, “Where do COVID funds go?” na maririning sa kasuluk-sulukan ng mga eskinita.

Sa napakalaking halagang ito, bakit marami ang tila hindi naabutan ng biyaya? Isipin mo na lang ito, mayroon tayong 275 Bilyong para sa 100 milyong populasyon ng Pilipinas at nagkulang pa rin?

 

WALANG PAMPUBLIKONG TRANSPORTASYON

“Maraming mga negosyo ang malulugi at patuloy na magsasara kung hindi pa tayo magbubukas,” ang sabi sa itaas; kaya naman nang ilipat ang Metro Manila sa GCQ, marami na ulit ang makakabalik sa trabahong maliit ang kita kapalit nang ilang oras na paglalakad.

 

Photo courtesy of CNN.ph

 

 “Magtiis kayo!”—Hanggang kalian ba? Tila mas lalong dumoble ang pasakit na naranasan ng mga kumakayod nating kababayan dahil nga sa walang matibay na plano sa usapin ng transportasyon, kakapit na naman tayo sa pagkamatiisin at ­Filipino resiliency? Utang na loob, awat na!

 

PAGPAPASARA NG ABS-CBN

Sa loob ng isandaang araw, mas nauna pang ipasara ang isa sa pinakamalaking kumpanya ng medya sa bansa. Binusalan ang malayang pamamahayag na patuloy na tumatalima sa karupukan at kamalian sa bayan.

 Patuloy na pinatid ang bigkis ng pag-asa nang pagsisiwalat ng katotohanan para sa minamahal na bayan. Binuyo ang mga mamamahayag at manunulat para matakpan ang kumukontra sa kapangyarihan.

 

PAGPASA NG ANTI-TERRORISM BILL

Terorismo sa gitna ng pandemya—naiisip mo bang makipagdigma sa loob ng isang labanang hind matapos-tapos? Nanaisin mo bang maghasik ng terorismo sa isang bayang may malubhang karamdaman?

Simbilis ng kidlat ang ginawang hakbang sa panukalang batas na ito. Libo-libong Pilipino ang kumondena na kung bakit ito pa ang mas binigyang aksyon ng gobyerno kesa sa mga buhay na humaharap sa kamatayan, na kung bakit mas pinaglaanan pa ng oras ang pagdinig imbis na dinggin ang sikmura ng bayan.

Photo courtesy of Aljazeera.com

Dahil mas marami ang umalma, umiral ang “the law is the law” sa maralitang Pilipino na nakiisa sa malawakang pagtitipon. Nakulong at hinuli ang mga Pilipino na tanging sandata lamang ay ang pagmamahal sa pamilya at bayan.

 

KABI-KABILANG UTANG AT LOAN NG PILIPINAS

“Wala na tayong Pera,” ang sabi sa itaas. Naitala ang pangyayaring ito sa kasaysayan ng bansa sa pagkakaroon ng kabi-kabilang utang. Wala akong matibay na argumento sa usaping ito pero kung nasa mabuting kamay man ang pera ay sana makarating pa rin sa paroroonan, samahan nawa ng mga anghel.

 

PAGHATOL NG GUILTY KAY RAPPLER CEO

Matibay ang pangyayaring ito ang unti-unting pagkawala ng mataas ng pagtingin sa medya. Nawawalan ng saysay ang malayang pamamahayag dahil sa kamay na bakal na ginagawa sa mga taong wala namang ibang ginawa kundi ipahayag ang katotohanan.

Umiiral pa ba ang pantay na pagtingin sa bayang ito. Hindi man natin malaman ang tunay na pakay ngunit gising na ang maraming Pilipino at mas malinaw pa sa sikat ng araw ang mga dahilan.

 

STRANDED NA MGA OFWs SA NAIA

Kaawa-awang mga bayani ng bayan; imbes na saludo, mahihigpit na yakap, at walang hanggang pasasalamat ang sasalubong sa kanila, pinagtagpi-tagping karton, kumakalam na sikmura, at matinding pangungulila sa pamilya ang kanilang nararanasan ngayon.    

 

Photo courtesy of Ben Nabong/Rappler

Sa sobrang daming naging suliranin, patuloy pa rin ang pagkapit nilang mga bayani na makakauwi rin sila sa kani-kanilang bayang sinilangan.

Virus lang ba ang dapat sisihin sa lahat ng nangyayari?

Isandaang araw at pulos sama ng loob ata ang inani nating nagmamahal sa bayan.

Hindi lamang basta maliit na tampo ang nais kong ipabatid sa inyo, nakakagalit at nakakawalang gana ang mga nangyari sa bayan sana ay gising at mulat na mulat ka na.

Para sa Pilipinas, padayon ang laban!

Related Reads


What's New

More Articles