Default

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit. Quae nam consequatur reiciendis omnis esse, nesciunt!

Close Me

I AM A POPUP CUSTOM02

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipisicing elit. Quae nam consequatur reiciendis omnis esse, nesciunt!

Close Me
Bibig ng 11,000 ang 'di na kakain at pagkitil sa malayang pamamahayag: Bakit nga ba malaki ang epekto ng pagsasara ng ABS-CBN?
By Mamaro 14 Jul 2020 3250

Lubhang napakabigat ng nagdaang linggo para sa bansang Pilipinas—isang nakakalungkot na pangyayari muli ang naitala sa kasaysayan.

Matapos ang 13 beses na pagdinig sa kamara, hindi na nga nabigyan ng pagkakataon ang ABS-CBN para magpatuloy ng kanilang operasyon.

 

Photo courtesy of ABS-CBN News

 

Siguro iniisip ng marami kung bakit ‘di pa rin tumitigil ang mga tao na ipaglaban ito kahit may pinal na desisyon na; oo, nakakarindi nga, nakakasawa na pero ang totoo, ang labang ito ay walang katapusan at kailanma’y walang masasabing nagwagi.

Mula noong Mayo, hindi maikakaila ang naging malaking epekto ng pagsasara nito dahil sa limitadong galaw ng kumpanya.

Sa tila panggigipit na pangyayari at adalentadong hakbang sa pagsasara ng isa sa pinakamalaking kumpanya ng medya sa bansa sa gitna ng pandemya, aminin natin o hindi, mas marami ang tuluyang nang lumubog at ginupo sa malagim na bahagi ng taong ito.

Ano-ano nga ba ang epekto ng pagsasara ng ABS-CBN sa bansa?

 

KAWALAN NG TRABAHO NG MAHIGIT 11,000 NA MANGGAGAWA

Oo, nabasa mo naman ‘di ba? Mahigit pa sa 11,000 na manggagawang Pilipino ang hindi na kakain matapos ang deklarasyon, kalabisan mang ilarawan pero mas malala pa rito ang sitwasyon dahil damay na rin pati ang mga kumpanyang at ahensyang nagkaroon ng partnership sa ABS-CBN ay apektado na rin.

Hindi ko na masyadong ipagduduldulan na mahigit 11,000 Pilipino ang tila naging paralisado—walang salita, nakakapanlumo.

 

LIMITADONG PAGHAHATID NG BALITA’T IMPORMASYON SA BUONG BANSA

Dahil natigil ang operasyon sa telebisyon at radio ang operasyon ng ABS-CBN sa buong bansa, maraming mga tagasubaybay sa probinsya ang naging limitado rin ang natatanggap na na balita dahil hindi naman lahat ay may koneksyon sa internet.

Napatunayan ang tagpong ito sa ulat ng mamamahayag na si Jeff Canoy noong nagpunta siya ng Aurora para ihatid ang sariwang balita ulat tungkol sa Bagyong Ambo noong Mayo.

Sa daan patungong probinsya, nakausap nila ang ilang pulis at residente na hindi alam kung nasaan na ang bagyo at kung ano na ang maaaring mangyayari dahil wala ang ABS-CBN na may malakas na signal sa mga kanayunan.

 

 

 

 

Sa tagpong ito, dahil nawala ang isa sa tagapaghatid ng balita sa bansa ay maaaring magkaroon ng kalituhan at humantong sa kapamahakan ng mga tao dahil sa kawalan ng maayos na balita at impormasyon.

Ito ay ilan lamang sa marami pang tagpo sa buong bayan.

 

PAG-ATAKE AT PAGBUSAL SA KALAYAAN NG PAMAMAHAYAG

Ano pa nga ba ang isa sa pinakamalalang epekto ng pagsasara ng ABS-CBN? Kahit saang anggulo mo tingnan, pinilit na busalan at pinatahimik ang katotohanan.

Nagsimula sa Rappler at ngayo’y inatake ang iba pang mga tagapagpalaganap ng katotohanan at pagbabago.

Ano bang dahilan? May kinatatakutan nga ba kaya kailangang unahing patumbahin ang kalaban o may bahid nga ba ng paghihiganti?

Sa nangyaring ito, patuloy ang malaking banta sa malayang pamamahayag. Magiging magulo ang pagpapalaganap ng impormasyon dahil marami ang magmamagaling at lalabas upang makapaghatid ‘kuno’ ng katotohanan.

 

MALAKING EPEKTO SA EKONOMIYA

Ayon sa ulat ng Rappler patungkol sa malaking epekto ng pagsasara ng ABS-CBN sa ekonomiya, sinabing mababawasan ng tiwala ang mga lokal at dayuhang mamuhunan dahil sa pangyayaring ito.

Ngunit sa pahayag ng Department of Finance, wala raw naging epekto ito at matibay pa rin ang ugnayan sa mga mamumuhunan.

“Recently, we raised $2.35 billion in our bonds. That is an investment in the Philippines and that happened this issue with ABS-CBN. So, I think our bondholders—to the extent of $2.35 billion—are very confident in the Philippine economy,” Sabi ni Finance Secretary Carlos G. Dominguez III.

Ano pa man ang totoo, siguradong magiging isang banta parin ang naging desisyong ng kamara sa kinahinatnan ng kumpanya.

 

Ang mga nabanggit ko ay ilan lamang sa mga malalaking epekto na nangyari matapos ipasara ang ABS-CBN, hindi ko man nabanggit ang lahat ngunit iisang damdamin pa rin ang aking tangan tungkol sa usaping ito kasama ang pulso ng sambayanan sa pakiusap nang kahabagan at malasakit.

Ngayong naipasara na ang ABS-CBN, ano kaya ang epekto nito sa virus? Bababa na ba ang bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 sa Pilipinas?

Related Reads


What's New

More Articles